Calendar
Kahit binawasan, VP Sara mas malaki budget kaysa kay Leni
MAGKAKAROON si Bise Presidente Sara Duterte ng mas malaking badyet sa susunod na taon kumpara sa karamihan ng badyet na inilaan sa kanyang naunang kapalit na si Leni Robredo sa loob ng anim na taon nitong panunungkulan, ayon sa isang senior leader ng Kamara de Representantes.
“The Office of the Vice President (OVP) led by VP Duterte will not be crippled despite the decision of the House to reduce her 2025 funding. The Vice President will have sufficient funds to discharge her constitutional duties,” ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr.
Dagdag pa niya, nakumbinsi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga miyembro ng minorya, na nagalit sa hindi pagdalo ng Bise Presidente sa plenaryo at deliberasyon ng komite ukol sa kanyang badyet, na huwag nang bawasan pa ito.
Sa paghahambing, sinabi ni Gonzales na sa 2023, ang unang buong taon ni Duterte sa puwesto ay nagkaroon ito ng P2.344 bilyon, kasama ang P500 milyong Confidential and Intelligence Fund (CIF) at P920 milyon na “financial assistance,” samantalang si Robredo ay may P428.6 milyon lamang, na walang CIF at financial aid sa kanyang unang taon noong 2017.
Nitong nakaraang taon, ikalawang buong taon ni VP Duterte, siya ay may P1.874 bilyon, samantalang si Robredo ay may P543.9 milyon noong 2018, ayon kay Gonzales.
Sa susunod na taon, sa ikatlong taon ni Duterte bilang Bise Presidente, siya ay magkakaroon ng P733 milyon, habang si Robredo ay may P663.4 milyon noong 2019.
Si Robredo ay nagkaroon ng P699.9 milyon noong 2020, P900 milyon noong 2021 na kanyang pinakamataas na badyet, at P702 milyon noong 2022 na hinati niya sa kanyang kapalit.
Ang OVP ay may P500 milyon noong 2016 na hinati nina Robredo at ang kanyang naunang kapalit na si Jejomar Binay.
“Clearly, VP Sara enjoyed much bigger budgets that what VP Leni had,” diin ni Gonzales.
Ipinaliwanag niya na ang desisyon ng Kamara na bawasan ang badyet ng OVP ay naaayon sa pananaw ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III tungkol sa pangunahing tungkulin ng Bise Presidente.
Sa isang panayam sa radyo noong Setyembre 1, sinabi ni Pimentel na dapat magpokus si Duterte sa kanyang pangunahing tungkulin bilang pangalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa at kahalili ng Pangulo, at hindi dapat magpatupad ng mga programang wala sa kanyang mandato ayon sa Saligang Batas.
“Ang Vice President puro aral, puro briefing para handa siya maging Presidente anytime. ‘Yun lang ang budget-an namin,” ani Pimentel.
“Hindi na niya role na magbigay ng mga school bags. Hindi na niya role na magpatakbo ng mga bus. Sayang oras niya eh,” dagdag niya.
Nitong Miyerkules, bago ang recess, inaprubahan ng Kamara ang rekomendasyon ng Committee on appropriations na bawasan ang badyet ng OVP para sa 2025 mula P2.03 bilyon patungong P733 milyon.
Ang pagbawas ay dulot ng audit findings na ang mga financial assistance (FA) schemes ng OVP, tulad ng pamamahagi ng tulong para sa burol, edukasyon, medikal at transportasyon, ay redundant at nagdoble sa mga programang epektibong isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Ang P943-milyong pondo ng FA ng OVP ay inilipat ng Kamara sa DSWD at DOH.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng Committee on appropriations, ang OVP at ang kanilang FA beneficiaries ay maaari pa ring makakuha ng pondo sa pamamagitan ng pag-aabot ng kanilang mga kahilingan sa dalawang departamento.
Sinabi niya na walang pondo na kinuha mula sa alokasyon ng OVP para sa sahod.
“We wanted to preserve jobs,” aniya.