Speaker Romualdez

Kahit katiting na teritoryo ng Pilipinas hindi isusuko ni PBBM sa mga Intsik — Speaker Martin G. Romualdez

Mar Rodriguez Jun 5, 2024
78 Views

BINIGYANG DIIN ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na hindi isusuko ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kahit katiting na teritoryo o kapirasong bahagi ng Pilipinas sa mga Intsik sa gitna ng patuloy na pambu-bully ng China sa mga Pilipino.

Sinabi ni Romualdez na kagagaling lamang nila ni President Marcos, Jr. sa Singapore para sa State Visit nito matapos magbihay ng mensahe ang Punong Ehekutibo patungkol sa Defense and Security. Kung saan, naninindigan aniya ang Pangulon a hindi nito isusuko kahit kapiranggot na teritoryo ng Pilipinas.

Kasabay nito, muling umaapela si Speaker Romualdez sa China na tigilan na nito ang kanilang hindi makataong pambu-bully sa mga Pilipino kaugnay sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS) partikular na sa mga walang kalaban-labang mga mangingisda ng Masinloc, Zambales.

“Kagagaling lamang po naming ni President Marcos, Jr. sa Singapore. Si Presidente nag-address duon sa Shangri-La Dialogue tungkol sa defense and security. At siyempre mini-maintain pa rin ng ating mahal na Pangulo that he shall give up not a single inch or millimeter,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang reaction ng House Speaker ay kaugnay sa ginawang pagsamsam at pagtapon sa dagat ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga pagkain at iba pang supply na in-airdrop ng Philippine military para sa mga sundalo na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre, ang simbolo ng soberanya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa WPS.

Dahil sa pangyayaring ito, ikinalulungkot ni Speaker Romualdez ang ginagawang panggi-gipit o harassment ng China sa Pilipinas. Kasabay ng kaniyang panawagan na kung maaari ay itigil na ng mga Intsik ang ganitong gawain o tinawag nitong “aggressive behavior” laban sa mga Pilipino.

“At sa nangyayari po, we bemoan, at talaga nalulungkot talaga tayo dito sa ginagawa ng ating kapitbahay, mga taga-China, at sana tigilan na nila itong mga aggressive behavior kasi hindi gaganda ang relasyon natin,” ayon pa kay Speaker Romualdez.