Co

Kahit mga loyalista ni VP Sara gusto ang impeachment trial — Co

24 Views

KAHIT ang mga tagasuporta ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ay nais na matuloy ang impeachment trial sa Senado upang tuluyan na niyang masagot ang mga alegasyon laban sa kanya at malinisan ang kanyang pangalan, ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co nitong Sabado.

Sa kanyang pagsasalita sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, binanggit ni Co ang survey ng OCTA Research noong Abril 2026 na nagsasabing 69% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Duterte, kabilang na ang marami sa kanyang mga tagasuporta na nais umanong maresolba nang hayagan ang mga akusasyon sa pamamagitan ng prosesong itinakda ng Konstitusyon.

“Malinaw naman po ang numero, may recent survey na nagsabing 69% gusto nang magsimula ang trial. Kahit mga mismong supporters ni VP Sara, gustong magsimula para ma-clear ang name niya,” ani Co.

Nauna nang inimpeach ng House of Representatives si Duterte dahil sa mga alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga banta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Itinanggi ni Duterte ang anumang maling gawain at ibinasura ang mga kaso bilang walang basehan.

Ayon kay Co, marami sa mga Pilipino ang nadismaya dahil hindi direktang sinagot ni Duterte ang mga paratang sa kabila ng paulit-ulit na pagkakataong ibinigay sa kanya upang ipaliwanag ang kanyang panig sa mga pagdinig ng House Committee on Justice.

“Unfortunate lang na sa lahat ng opportunities na na-provide kay VP ay hindi niya po hinawakan iyon o ginamit para ibigay iyong sagot na taon nang hinihintay ng taumbayan,” dagdag niya.

Nagbabala rin si Co na maaaring makaapekto sa impeachment proceedings ang mga kamakailang pagbabago sa liderato ng Senado, dahil maaaring subukan ng ilang kaalyado ni Duterte na pahinain o pigilan ang trial.

“Meron namang proposisyon na hindi talaga gawin at all ang trial. Huwag simulan dahil reflecting iyong posisyon ni VP Sara, quote and quote, baseless siya,” sabi ni Co.

Sa kabila nito, iginiit ng batang mambabatas na ang impeachment case ay suportado ng mga opisyal na dokumento ng gobyerno at mga pampublikong rekord na dapat suriin sa isang ganap na paglilitis sa Senado.

“Government documents ang hawak natin para masabi na may basehan iyong impeachment offenses na ibinibintang sa kanya. Dapat i-hash out ito sa isang full-blown trial,” ani Co.