Bro. Marianito Agustin

Kahit pa gaano karaming himala at milagro sa langit, hindi pa rin mananalig ang mga taong negatibo (Lucas 11:29-32)

388 Views

“Kaya’t sinabi ni Hesus. “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili. Marahil sasabihin pa ninyo, gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum”. (Lucas 4:22-23)

TOTOO ang kasabihan na “You cannot please everybody”. Nakapahirap talagang pakibagayan ang mga tao na masyadong “Nega”, ito yung mga klase ng tao na hindi marunong makuntento.

Kahit ang ating Panginoong HesuKristo noong panahon niya ay hindi hindi rin nakaligtas sa mga negatibong pananaw ng mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan.

Kaya ganito ang pananaw ng mga taong ito ay dahil masyadong makitid ang kanilang pag-iisip. Tandaan lamang natin na parating “Nega” ang isang tao, hangga’t nananatiling sarado ang kaniyang puso at isipan sa magandang ginagawa ng kaniyang kapwa.

Laging kulang at hindi maganda ang kaniyang pagtingin sa mga mabubuting bagay na ginagawa ng kaniyang kapwa. Katulad sa karanasan ng ating Panginong Hesus na nagpapagaling ng mga bulag, pipi, pilay, mga ketongin at nagpapalayas ng demonyo sa mga inaalihan nito.

Hindi tinatantanan ng batikos si Hesus mula sa mga Judio. Wala sa kanilang bokabulayro ang salitang “appreciation” at sinisikap nilang hanapan siya ng butas upang mayroon silang maisumbong sa mga Saserdote laban sa kaniya.

Ang paglalahad ng kuwentong ito tungkol sa mga taong “Nega” ay hindi nalalayo sa mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 11:29-32). Matapos wikain ni Hesus na napakasama ng mga tao sa panahong ito, dahil naghahanap sila ng palatandaan mula sa Langit.

“Nang dumagsa ang mga tao. Sinabi ni Hesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaan mula sa Langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas”. (Lc. 11:29)

Ang mga Judio sa Ebanghelyo ay humihingi ng mga palatandaan mula kay Hesus para lamang patunayan ang kaniyang pagiging tunay na Diyos. Kailangan munang patunayan ni Hesus ang kaniyang sarili sa mga Judio bago sila manampalataya sa kaniya.

Para sa mga taong may malakas na pananampalataya sa Diyos hindi na kailangan pa ng isang himala o palatandaan. Ngunit sa mga taong may negatibong pananaw, may pagdududa at pag-aalinlangan.

Kahit gaano pa karaming himala at palatandaan ang kanilang masaksihan at makita ng kanilang dalawang mata hinding-hindi pa rin sila mananalig sapagkat sarado ang kanilang puso at isipan.

Ano pa ba ang kailangan patunayan ng ating Panginoong Diyos para lamang manampalataya at manalig sa kaniya ang mga tao? Ano pa bang palatandaan ang kailangan para lamang mabuksan ang puso’t isipan ng mga taong masyado negatibo?

Ang mga “blessings” o mga biyayang dumarating sa ating pang-araw araw na buhay ay isa nang maliwanag na palatandaan na buhay na buhay ang presensiya ng Diyos sa atin.

Ang pagmulat pa lamang ng ating mga mata sa umaga ay isa nang napakalaking biyaya mula sa ating Panginoon. Dahil buhay pa tayo, napaka-suwerte natin. Sapagkat magagawa pa nating masilayan ang pagsikat ng Haring Araw.

Samantalang may iba na hindi na nagigising, ang sabi na “In every gising is a blessing. Ang ibig sabihin nito ay binibigyan pa tayo ng pagkakataon at bagong pag-asa ng ating Panginoong Diyos.

Hindi natin pisikal na makikita ang Diyos o makikita sa pamamagitan ng ating dalawang mata. Kung ito ang uri ng palatandaan na nais ng mga Judio sa ating Pagbasa. (Lc. 11:29-32)

Makikita natin ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng mga taong ginagawa niyang instrumento para maiparamdam ang kaniyang presensiya. Ito ang mga taong nagbibigay ng tulong, kumakalinga at nag-aabot ng kanilang kamay para sa mga kapus-palad at naghihikahos.

“Sasabihin ng Hari, “Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga Alagad ko, siya man ang pinakahamak. Ako ang inyong tinulungan”. (Mateo 25:40 – Ang Paghuhukom)

AMEN
____________

Inaanyayahan ko po kayo sa aking Radio Program na “ANG TINAPAY NG BUHAY” tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng Umaga. Mapapakinggan sa 103.9 DWRB News FM Ang Himpilang Ikaw ang Una at mapapanood naman sa kanilang Facebook Page.

Inaanyayahan ko din po kayong tangkilikin ang “Life Changing Collections”. isang APPS na mayroong magagandang E-Books na naglalaman ng mga magagandang “religious reading materials” at iba pang babasahin.