Edd Reyes

Kailangan gumawa ng listahan ng iboboto bago pumunta sa presinto

Edd Reyes May 7, 2025
17 Views

NANINIWALA si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na nararapat lang ang masusing pag-aaral sa magiging implikasyon ng hirit na taas sahod ng mga manggagawa kaya inatasan niya ang regional wage boards na talakayin at desisyunan kung kailangan ito.

Sa datos kasi ng IBON Foundation noong 2024, kulang na kulang ang minimum wage na tinatanggap ng mga manggagawa kumpara sa ginagastos nila sa pagkain, bayad sa renta, kuryente, tubig at pamasahe, puwera pa rito ang gastos kung magkakasakit.

Bukod kay Pangulong Bongbong Marcos, pinag-aralan ding mabuti ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa lalu na’t ayon kay Senator Alan Peter Cayetano ay hindi ito ang uri ng sahod na ipinangako ng Saligang Batas sa mga Pilipino.

Sabi ng senador, isa sa mga problema para maisulong ang taas-sahod ay ang hindi magkasundo-sundo ang gobyerno, mga negosyante, at mga manggagawa sa tamang sahod dahil walang iisang lugar para diretsahan nilang matalakay at mapagkasunduan ito.

Kung tutuusin, may National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na parehong nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na silang kumakausap sa mga manggagawa at pribadong sektor at nagtatakda ng wage rates habang naroon din ang mga senador at kongresista na gumagawa ng batas para maitaas ang sahod at ang Ehekutibo naman na lumalagda nito pero walang iisang lugar para ito matalakay at mapagkasunduan..

Kaya para malutas ito, naghain ng panukala si Senator Alan nitong Labor Day na magkaroon ng isang Labor Commission o “LabCom” na bubuuin ng mga kinatawan mula sa Lehislatibo, Ehekutibo, mga negosyo, at mga grupo sa labor sector upang pag-aaralan nila nang sabay-sabay ang mga isyu at batay sa mga ebidensya ay magrerekomenda ng mga konkretong hakbang tungo sa paglutas sa mababang sahod.

Iyan ang tunay na pagbibigay-pugay sa mga manggagawa, yung kumikilos para matamo ng mga Pilipino ang isang tunay na “living wage” na magpapataas sa kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino dahil kung ang dugo’t pawis ng manggagawang Pilipino ay natutumbasan ng sapat na sahod para sa pagkain, edukasyon, at kalusugan ng kanyang pamilya, mas may kakayahan silang sugpuin ang malnutrisyon, mapag-aral ang mga bata, at putulin ang kahirapan at hindi na rin mapipilitang mawalay ang mga Pilipino para magtrabaho pa sa ibang bansa.

Mga kandidato, nagkukumahog na sa pangangampanya

TATLONG araw na lang ang nalalabi sa mga pulitikong tumatakbo sa iba’t-ibang posisyon para sa puspusang kampanya kaya nagkukumahog na ang mga kandidato sa panliligaw sa mga botante.

Hanggang bago maghatinggabi na lang kasi sa araw ng Sabado, Mayo 10, ang itinakda ng Commission on Election (Comelec) para sa huling araw ng pangangampanya kaya ganoon na lang ang sipag na mga pulitiko sa kanilang panunuyo sa mga botante.

Pero hindi lang pala mga pulitiko ang nagkukumahog kundi maging mga botante ay masusi na ring pumipili ngayon pa lang ng kanilang iboboto dahil bukod sa pagpili ng kanilang ibobotong alkalde, bise alkalde, kinatawan sa Kongreso at mga konsehal, mamimili pa sila sa hanay ng mga tumatakbong senador at partylist.

Bale 12 senador ang pipiliin ng mga botante mula sa dating 66 na opisyal na kandidato pero dahil umatras sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, Rep. Wilbert Lee ng Agru Party-list at Willie Ong, 63 na lang ang kanilang pagpipilian.

Isa naman ang pipiliin sa 156 na kandidato sa partylist kaya kailangan talaga ang paggawa ngayon pa lang ng listahan ng mga botante bago magtungo sa kani-kanilang polling precinct.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa [email protected]