Teofimar Renacimiiento

Kakampi nina Leni, Kiko si Joma at mga komunista

321 Views

MATATANDAAN na nung nakaraang mga araw, kumalat sa social media na si Jose Ma. Sison ang taga-payo o “adviser” umano ni Robredo sa larangan ng pulitika. Si Sison ang pangkalahatang pinuno ng Communist Party of the Philippines o CPP. Ang CPP ay bahagi sa tatsulok na kasama ang komunistang New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF).

Natagalan ng ilang araw bago tinanggi ni Robredo na si Sison nga ay kanyang taga-payo.

Bakit natagalan ang pagtanggi ni Robredo? Mukhang totoo nga yata yung sinabi sa social media.

Malamang ay napagpasiyahan ni Robredo na tanggihan ang kumakalat na balita tungkol sa kanyang ugnayan kay Sison, sapagkat alam ni Robredo na ayaw ng maraming mamamayang Pilipino sa CPP-NPA-NDF. Maraming botante ang galit sa mga komunista.

Matapos ang pagtanggi ni Robredo, tinanggi rin ni Sison na siya ay taga-payo ni Robredo.

Kaya lang, inamin naman ni Sison na si Leni Robredo ang kanyang napupusuang kandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas sa halalan sa Mayo 9, 2022. Ayon kay Sison, si Robredo ang nakikita ng CPP-NPA-NDF na dapat manalo sa darating na halalan.

Inulat ang sinabi ni Sison sa maraming mga pahayagan at sa telebisyon, pati na rin sa social media.

Sa totoo, lumang balita na ang pagtatangkilik ng mga komunista sa kandidatura ni Robredo. Matagal nang kakampi ni Robredo ang mga komunista sa Pilipinas.

Kitang-kita na ito nung Pebrero 2022 sa unang hirit na rally ni Robredo at ni Francis “Kiko” Pangillinan, ang kandidato ni Robredo sa pagka-bise presidente, na ginanap sa Quezon Memorial Circle sa Diliman, Quezon City.

Maraming mga pulitikong kakampi ng mga komunista ang nagpuntahan sa nasabing rally. Pati na rin ang mga party-list na kongresistang panig sa mga komunista ay nanduon din. Kusa nilang ipinabatid sa mga mag-uulat sa mga pahayagan at telebisyon na sina Robredo at Pangilinan ang kanilang mga kandidato sa darating na halalan.

Hindi lang iyon. Naiulat na rin na maraming mga komunista ang dumalo sa mga rally nina Robredo at Pangilinan, tulad sa mga ginanap sa Pasig, at pati na rin sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Bakit panig ang mga pula sa tambalang Robredo-Pangilinan?

Tulad ng mga sinabi at tinalakay dito sa Batas, Bayan at Mamamayan nitong mga nakaraang mga araw, tatanawin ni Robredo na matinding utang na loob sa mga komunista ang kanilang pagtulong sa kanyang kampanya, at sa kampanya ni Pangilinan.

Samakatuwid, mayroong kapalit ang pagpanig ng mga komunista sa kampo nina Robredo at Pangilinan.

Ano ang kapalit?

Tulad ng panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino at Pangulong Noynoy Aquino, mabibigyan ng mataas na posisyon sa pamahalaan ang maraming piling pulitikong nagkukunwaring hindi sila komunista, kahit sila ay mga kilalang kakampi ng mga pula.

Pipigilan rin ni Robredo ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines na lipulin ang mga NPA sa mga malalayong bayan at lalawigan sa Pilipinas.

Eto namang si Pangilinan, matagal na siyang kakampi rin ng mga komunista, simula pa nung mag-aaral pa siya sa Pamantasan ng Pilipinas o UP (University of the Philippines).

Makikita sa kanyang mga patalastas sa telebisyon kung saan pinapangako niya na kapag siya ay naging bise presidente, tiyak na bababa ang presyo ng pagkain. Alam naman natin na panlilinlang ang sinabi ni Pangilinan dahil hindi maaring bumaba pa ang presyo ng pagkain o kahit ano mang bilihin dahil sa palaging tumataas na presyo ng gasolina sa Pilipinas at sa ibang mga bansa.

Ano naman ang kapangyarihan ng isang bise presidente na maibaba ang presyo ng pagkain sa Pilipinas? Kung ang pangulo at kongreso, hindi nila kayang gawin iyon kahit matindi na ang kanilang kapangyarihan sa pamahalaan, e papaano pa kaya ang bise presidente lang?

Isa pa. Galit sina Robredo, Pangilinan at ang mga kakampi nilang mga komunista, kay Bongbong Marcos (BBM) dahil alam nila na kapag naging pangulo si BBM, bilang na ang mga araw ng CPP-NPA-NDF.

Sa madaling salita, kapag manalo sa halalan sina Robredo at Pangilinan, panalo rin ang mga komunista sa Pilipinas.