Kakulangan ng conviction sa mga kaso ng smuggling nakakabahala — Sen. Win

26 Views

”NAKABABAHALA.”

Ipinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang matinding pagkabahala ukol sa umano’y mga kaso ng tobacco smuggling habang pinangunahan niya ang ikatlong pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means nitong Miyerkules, Abril 2, 2025.

Iginiit ni Gatchalian na panahon na upang habulin ang mga nasa likod ng smuggling ng sigarilyo na nagpapahina sa industriya ng tabako, sabay panawagan na dapat magkaroon ng mga conviction laban sa mga responsable.

Sa pagtutok sa tatlong resolusyong may kinalaman sa illegal trade at nawawalang buwis, tinukoy ni Gatchalian ang matinding agwat sa pagitan ng dami ng mga operasyon at ang aktuwal na resulta sa korte. Batay sa datos ng mga enforcement agencies, bagama’t tumaas ang bilang ng mga raid at pagkumpiska ng ilegal na sigarilyo at vape products nitong mga nakaraang taon, nananatiling napakababa ng bilang ng mga conviction.

“We want to see conviction. At the end of the day, it’s the conviction that matters,” saad ni Gatchalian, sabay panawagan sa mga ahensya na ituon ang pansin hindi lamang sa paghuli kundi sa matagumpay na prosekusyon.

Tinalakay sa pagdinig na mula 2018 hanggang 2024, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) ang 1,296 na pagkumpiska kaugnay ng ilegal na sigarilyo at mga kaugnay na produkto. Gayunman, 64 lamang sa mga ito ang naisampa sa Department of Justice (DOJ). Sa nasabing bilang, lima lamang ang umabot sa korte at dalawa lang ang nagresulta sa conviction.

Nagpakita rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng katulad na larawan. Mula 2023 hanggang unang bahagi ng 2025, nagsagawa ang BIR ng 1,636 na raid at nakakumpiska ng milyun-milyong pakete ng sigarilyo at vape. Subalit, 194 na kaso lamang ang naisampa, at isa lang ang may conviction. Tahasang sinabi ni Gatchalian: “Only less than 1% of seizures result in a conviction. What happened to the other 1,200+ seizures?” Dagdag pa niya, ang ganitong agwat ay nagpapalabo sa kredibilidad ng mga enforcement campaign, sabay pahayag na, “Hindi natin maalis sa isipan ng mga kababayan natin na itong mga seizures and raids are all for show… what we want is to secure conviction, but that’s not happening.”

Binigyang-diin rin ng senador mula Valenzuela ang epekto sa ekonomiya at kalusugan ng kawalan ng aksyon mula sa mga nararapat na ahensya ng gobyerno.

Ayon sa BIR at sa mga independenteng pagtataya, tinatayang ₱25.5 bilyon ang nalugi sa gobyerno noong 2023 lamang dahil sa smuggling ng sigarilyo. Sa unang bahagi ng 2024, lumampas na sa ₱6.6 bilyon ang revenue leakage, at tinatayang aabot sa higit ₱50 bilyon ang kabuuang taunang pagkalugi, kabilang na ang mula sa hindi regulated na vapor products.

Tinukoy ni Gatchalian na sa kabila ng pagpapatupad ng mas mataas na buwis sa ilalim ng Republic Act No. 11900, patuloy pa ring bumababa ang kita mula sa sin taxes mula pa noong 2021.

Kasabay nito, ipinakita ng datos mula sa Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (DOST-FNRI) na tumaas ang kaso ng paninigarilyo, lalo na sa mga kabataan, mula 2021 hanggang 2023. “We have seen a gradual increase in the prevalence of smoking… However, we cannot conclusively link this to illicit trade,” paglilinaw ni Gatchalian. “Still, the penetration of heated tobacco and vape products is a major concern.”

Sa naturang pagdinig, kinumpirma ni Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit na 40 sa 64 na kaso ng BOC ay naibasura na sa lebel ng prosekusyon dahil sa kakulangan ng ebidensya. Ipinaliwanag niya na may patakaran ang DOJ ng automatic review sa mga naibasurang kaso ng smuggling, pero kakaunti lang ang nababaligtad. “It would appear… that there is some sort of issue with the evidence presented during preliminary investigation,” aniya, sabay sabing pinagbubuti na ng DOJ ang koordinasyon sa mga law enforcement agencies.

Ipinunto naman ni Assistant Customs Commissioner Vincent Maronilla na maraming raid ang nagresulta sa pagkumpiska pero walang malinaw na may-ari, kaya’t mahirap ang prosekusyon. Binanggit din niya ang mga hamon sa lohistika at legal na butas. Aniya, sa ilalim ng bagong patakaran ng DOJ, mas mataas na ang requirement para sa ebidensya—hindi lang “probable cause” kundi “certainty of conviction”—bago maisampa ang kaso, na nagpapahirap sa law enforcement na isulong ang mga kaso.

Samantala, inamin ni BIR Assistant Commissioner James Roldan na karamihan sa 1,636 na raid ay isinagawa sa maliliit na retail outlet gaya ng sari-sari store at vape shops. Karamihan sa mga ito ay nagbayad ng administrative fines kaysa kasuhan. “We collected around ₱30 million from these establishments… so they were not filed in court,” ani BIR’s HREA Don Galera.

Naglahad rin ng findings ang Philippine Coast Guard (PCG), na kinilalang hotspots ng cigarette smuggling ang Zamboanga, Davao, at BARMM. Ayon sa ulat, ang mga sigarilyo ay inihahatid mula Indonesia at Malaysia at pinapasok sa bansa sa pamamagitan ng mga hindi reguladong ruta sa katimugang bahagi, gamit ang maliliit at mabilis na bangkang tinatawag na “Jungkong” na nakakaiwas sa maritime patrol. Kinumpirma ng PCG na 69 porsyento ng mga ulat ng smuggling sa 2024 ay kaugnay ng mga produktong tabako.

Sa pagtatapos ng pagdinig, nanawagan si Senador Gatchalian ng konkretong aksyon. “Let me urge the BOC, BIR, and DOJ to work together to improve the prosecution of these cases… submit to the committee concrete steps to capacitate enforcement agencies with the guidance of the DOJ.”

Binigyang-diin niya na kung walang tunay na kaparusahan, patuloy ang operasyon ng mga smuggler dahil sa mataas na kita at mababang panganib ng makasuhan. “Even though we raid one or two shipments, if we don’t address the conviction rate, the raids are dead on arrival.”

Ipinahayag ng senador ang kanyang planong isama ang mga reporma sa susunod na round ng amendments sa National Internal Revenue Code at tinanggap ang mungkahi mula sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang mapalakas ang enforcement at matiyak ang pananagutan.