Calendar
Kakulangan ng pagkain sa Pilipinas bumaba

BAHAGYANG bumaba ang antas ng food insecurity o kakulangan sa sapat at masustansyang pagkain sa bansa, batay sa pinakahuling pag-aaral na inilabas ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), na iniuugnay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang kontra-gutom ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa datos na inilatag sa 2026 National Nutrition Summit, bumaba sa 32.6 porsiyento noong 2025 ang tantiya ng moderate-to-severe food insecurity mula sa 33.3 porsiyento noong 2023.
Gayunman, ipinakita rin ng pag-aaral na tatlo sa bawat sampung Pilipino ang nakararanas pa rin ng katamtaman hanggang malubhang kakulangan sa pagkain.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kinikilala ng ahensya ang resulta ng pag-aaral bilang patunay ng nagpapatuloy na mga hakbang upang mabawasan ang kagutuman sa bansa.
“We recognize the results of the study as it affirms our work and efforts to ensure no Filipino is hungry,” ani Dumlao.
Kabilang sa pangunahing programa ng pamahalaan ang Walang Gutom Program (WGP), kung saan binibigyan ng electronic benefit transfer cards ang mga food-poor na pamilya na may buwanang food credits upang makabili ng sapat at masustansyang pagkain sa mga accredited na tindahan.
Bukod dito, patuloy ding ipinatutupad ng DSWD ang iba pang mga programa gaya ng Walang Gutom Kitchen, Supplementary Feeding Program, Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty, at mga inisyatibang nakatuon sa pangmatagalang seguridad sa pagkain.
Ayon sa DSWD, bahagi rin ng mas malawak na layunin ng pamahalaan ang whole-of-government approach upang higit pang mapababa at tuluyang matugunan ang kagutuman sa bansa sa mga susunod na taon.

