Chiz

Kalagayan ng mga Pinoy na made-deport sa US inaalam

14 Views

TINULISGA ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero at mariin din niyang kinondena ang iniulat na plano ng Estados Unidos na ipatapon sa Libya ang mga undocumented na migrante mula Asya—kabilang ang mga Pilipino.

Tinawag niya itong “malupit” at nanawagan ng agarang aksyon upang maprotektahan ang karapatan ng mga apektadong Pilipino na maapektuhan ng deportasyon sa US.

Ayon sa ulat, ang naturang plano ay bahagi umano ng mahigpit na patakarang pang-imigrasyon ni U.S. President Donald Trump. Sa halip na pauwiin ang mga migrante sa kani-kanilang bansang pinagmulan, plano raw silang ipadala sa mga third-party na bansa.

Isa umano sa mga tinitingnang destinasyon ay ang Libya, na matagal nang nililigalig ng kaguluhan at kilala sa marahas na pagtrato sa mga detainee.

Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Escudero sa planong ito kung saan ay sinabi niya: “Filipinos are not camels to be dumped on some Libyan desert. They are human beings who deserve to be accorded all the rights by a state who claim to cherish and uphold them.”

Binigyang-diin niya na handang tanggapin ng Pilipinas ang mga kababayan nito, ngunit hindi katanggap-tanggap ang pagpilit na ipadala sila sa mga bansang kilala sa paglabag sa karapatang pantao.

“If the United States wants to deport our citizens, then we are willing to welcome our kababayan back. There is absolutely no need for this cruelty to export them to a third country,” dagdag pa niya.

Batay sa mga ulat, pansamantalang pinigil ng isang pederal na hukom sa Estados Unidos ang deportasyon upang mabigyang pagkakataon ang mga migrante na kuwestyunin sa legal na paraan ang kanilang sapilitang pagpapadala sa ibang bansa bukod sa sariling bayan.

Nanawagan si Escudero kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na agad alamin ang kalagayan ng mga Pilipinong maaaring ma-deport at tiyaking mabibigyan sila ng legal na suporta kung kinakailangan.

“Dignified repatriation of our brothers and sisters is all we seek, not some rendition to an offshore penitentiary in a country which does not want them,” aniya.

Ang plano, na binatikos din ng mga grupong pangkarapatang pantao at ilang dayuhang pamahalaan, ay kasalukuyang bahagi ng mas malawak na hakbang ng Estados Unidos na higpitan pa ang kontrol sa imigrasyon.

Ayon sa mga pampublikong ulat, libu-libong undocumented immigrants mula Asya at iba pang rehiyon ang nahaharap sa deportasyon alinsunod sa mga patakaran noong administrasyong Trump na hanggang ngayon ay kinukuwestyon pa rin sa korte ng U.S.