Israel Source: Philippine Embassy in Israel

Kaligtasan ng OFWs sa ME hiniling tiyakin dahil sa tumitinding krisis

50 Views

NANAWAGAN ang ilang senador sa agarang pagkilos ng pamahalaan at mas mahigpit na paghahanda, sa gitna ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan kasunod ng pambobomba ng Estados Unidos sa tatlong pasilidad nukleyar sa Iran.

Ang nasabing aksyon ay pinangangambahang magdulot ng mas malawak na labanan at magbunsod ng panganib sa higit dalawang milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.

Ayon kay Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson, ang utos ni US President Donald Trump ay isang “unprecedentedly dangerous” na hakbang. Sa kanyang pahayag sa X, sinabi niyang: “US President Trump’s unprecedentedly dangerous move to ‘obliterate’ Iran’s highly fortified nuclear facilities, if not as factual as he had described it could trigger a world war on a scale nobody has ever witnessed or read about.”

Binigyang-babala pa niya na, “Ancient history taught us about Persia’s ability to recover with deadly vengeance.”

Kumpirmado ng Estados Unidos na tinarget nito ang Fordow, Natanz, at Esfahan nuclear sites sa Iran, bilang hakbang upang wakasan ang agresyon ng Iran laban sa Israel. Bilang tugon, nagbabala naman si Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na ang Iran ay “reserves all options” ukol sa kanilang susunod na hakbang.

Ipinabatid ni Lacson ang pangangailangan ng agarang contingency plans mula sa pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.

“I trust that concerned agencies already have in place workable evacuation and contingency plans for our over 2 million OFWs currently deployed in the Middle East,” aniya.

Samantala, iginiit din ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pangangailangang pairalin ang diplomasya at maagap na pagkilos. “Diplomacy should always prioritize tact over aggression, and dialogue must take precedence over hostility,” pahayag niya. Hinikayat din niya ang mga ahensyang tulad ng DFA, OWWA, DOLE, DTI, TESDA, at mga lokal na pamahalaan na maging handa para sa mabilis na repatriation kung kinakailangan.

Nagpahayag rin ng pagkabahala si Senador Risa Hontiveros. Tinukoy niya ang bilang ng mga Pilipinong nasa rehiyon—29,473 sa Israel, 1,184 sa Iran, at tinatayang 2.2 milyon sa buong Gitnang Silangan. Aniya, “There is no room for complacency. Has the government made concrete plans to evacuate such a large number of OFWs if the crisis worsens?”

Tinuligsa rin ni Hontiveros ang DFA sa pananatili nito sa Alert Level 3, na nangangahulugang boluntaryo lamang ang repatriation, habang ibang mga bansa ay nagsimula nang lumikas ng kanilang mga mamamayan. “While it is important for the Filipino community to stay calm, we should not wait until it is too late to begin evacuation,” giit niya.

Nanawagan siya sa DFA at Department of Migrant Workers (DMW) na agad tapusin ang contingency plans at tiyaking may sapat na pondo para sa malawakang evacuations, transportasyon, at suporta para sa mga apektadong OFWs. “We must prioritize the safety of our OFWs. We cannot afford to be complacent. Failing to act swiftly could lead to yet another national crisis,” dagdag ni Hontiveros.

Sa kasalukuyang sitwasyon, tiniyak ng mga senador ang kanilang patuloy na pagbabantay at pagtutok sa mga kaganapan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibayong-dagat.