Magsino

Kalunos-lunos na kalagayan ng mga OFWs sa South Korea, HK Isiniwalat

205 Views

Magsino1NAKARARANAS ng pang-aabuso o explotation ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa South Korea kabilang na dito ang illegal recruitment, human trafficking at iba pang uri ng pagmamalabis at mapapait na karanasang sinasapit ng mga Pilipinong manggagawa sa nasabing bansa.

Ito ang isiniwalat at pinasabog ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara de Representantes kaugnay sa kasalukuyang kalagayan ng mga OFW sa South Korea at Hong Kong.

Sinabi ni Magsino na napag-alaman niya ng bagay na ito matapos ang kaniyang ginawang pagbisita sa South Korea noong nakaraang June 9 hanggang 13, 2023 para dumalo sa “Pistang Pinoy sa Korea 2023” na sinundan ng pakikipagpulong ng mambabatas sa mga OFWs para kamustahin ang kanilang kondisyon at kalagayan sa naturang bansa.

Ayon kay Magsino, sa ginanap na meeting, nalaman niya ang iba’t-ibang mapapait na karanasang sinasapit ng mga OFWs. Kabilang na dito ang mga pang-aabuso, exploitation, illegal recruitment, human trafficking, contract switching, investment scams at ang paglabag o violation sa abor standards.

Bukod dito, binigyang diin pa ni Magsino na ang mapait na karanasang sinasapit ng mga OFWs sa South Korea ay kagagawan din mismo ng kanilang sariling mga kababayan o mga kapwa nila Pilipino sa halip na ito ang magtatangol sa kanila.

Ipinabatid ng kongresista na may reklamo din ang mga OFWs laban sa Philippine Recruitment Agency na siyang nangangasiwa sa pagre-recruit ng mga Pilipino para maging artists, entertainers at cultural workers. Kung saan, ang mga na-recruit na OFWs ay bumbagsak sa pagiging mga prostitute at nagiging biktima ng human trafficking.

Sinabi pa ni Magsino na isinumbong din sa kaniya ng mga OFWs na may mga Pilipino din sa South Korea ang direktang nakikipag-sabwatan sa mga taong nasa likod ng investment scams sa nasabing bansa na bumibiktima ng mga Pilipinong manggagawa.