Vargas

Kamangmangan nais puksain ni Vargas

Mar Rodriguez Oct 10, 2022
214 Views

NAIS ng isang Neophyte Metro Manila congressman na puksain ang kamang-mangan o “illiteracy” sa isang naghihikahos na pamilya na walang kakayahang magpa-aral ng kanilang mga anak dahil sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsusulong nito ng isang panukalang batas sa Kongreso na pinamagatang “One Family, One Graduate Bill”.

Inihain ni Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang House Bill No. 4523 sa Mababang Kapulungan na ang pangunahing layunin ay mabigyan ng kakayahan ang isang naghihikahos na pamilya na makapagpa-aral at makapagpa-tapos ng isang anak.

Ipinaliwanag ni Vargas na nakapaloob sa kaniyang panukalang batas ang pagbibigay ng “educational support” sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tinatayang P60,000 per academic year o P30,000 per semester para sa mapipiling scholar ng isang mahirap na pamilya.

Sinabi ni Vargas na layunin niyang mapuksa ang problema ng kamang-mangan o illiteracy dahil sa palasak na kahirapan sa bansa. Kung saan, walang kakayahan ang isang mahirap na pamilya na makapagpa-aral ng kanilang mga anak dahil sa kakapusan sa pananalapi.

Ikinatuwiran din ng kongresista na hindi niya hahayaang masira ng ganuon na lamang ang kinabuksan ng isang bata sa loob ng isang mahirap na pamilya sapagkat mahalaga na makapag-aral sila hanggang sa makatuntong at makapagtapos sila ng kolehiyo.

Ayon sa mambabatas, nakapaloob sa P60,000 ang gastos para sa tuition fee at iba pang bayarin sa eskuwelahan, extra-curricular expenses katulad ng libro, boarding allowance, pamasahe, bayad sa uniporme at iba pang medical na pangangailangan.

“We must exert more efforts necessary to invest in our people, enabling them to fulfill their aspirations and break free from poverty through a support system that aims to provide at least one college graduate per family,” sabi pa ni Vargas.