Kamara

Kamara aprub sa 2nd pagbasa pagpapalawig ng bisa ng PRC ID sa limang taon

46 Views

MartinINAPRUBAHAN ng House of Representatives noong Miyerkules sa ikalawang pagbasa ang isang panukalang batas na naglalayong palawigin mula tatlong taon tungo sa limang taon ang bisa ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards upang mabawasan ang abala sa renewal para sa milyun-milyong propesyonal na Pilipino.

Naaprubahan sa pamamagitan ng voice voting ang House Bill (HB) No. 8876, na naglalayong pahabain ang validity period ng Professional Identification Cards (PIC) na kasalukuyang nire-renew kada tatlong taon, karaniwang tuwing buwan ng kapanganakan ng propesyonal.

“Sa panahon ngayon, mahalaga na mapagaan natin ang gastos at abala ng ating mga propesyonal. Sa pagpapalawig ng validity ng PRC IDs mula tatlo tungo sa limang taon, mas mabibigyan natin sila ng panahon para mag-focus sa kanilang trabaho, kabuhayan, at serbisyo sa bayan kaysa sa paulit-ulit na proseso ng renewal,” sabi ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa mga may-akda ng panukala.

“Ang mga guro, nurse, engineer, architect, accountant, at iba pang professionals ay kabilang sa haligi ng ating ekonomiya. Nararapat lamang na gawing mas simple, mas mabilis, at mas makatao ang proseso para sa kanila. Ang panukalang ito ay konkretong hakbang para bawasan ang red tape at gawing mas maginhawa ang serbisyo ng gobyerno,” dagdag pa ni Romualdez, na isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).

Pinagsama-sama sa HB 8876 ang siyam na naunang panukalang batas na inihain nina Reps. Romualdez, Angelo Marcos Barba, Kristine Alexie B. Tutor, Eric L. Olivarez, Mercedes K. Alvarez, Emilio Bernardino L. Yulo, Niko Raul S. J. Daza, Laarni Lavin Roque, Eric Go Yap, Edvic G. Yap, Ivan Howard A. Guintu, Rolando L. Macasaet, Giselle Mary L. Maceda, Richelle Singson, Ciriaco B. Gato Jr., Patricia C. Calderon, Cheeno Miguel D. Almario, Binky April M. Tupas, Arlyn P. Ayon, Noel “Bong” N. Rivera, Julius Cesar “Jay” Vergara, at Jesus “Jess” R. Marquez.

Sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, at alinsunod sa pagsusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng modernisasyon sa mga serbisyo ng gobyerno, patuloy na isinusulong ng Kamara ang mga hakbang upang mabawasan ang hindi kinakailangang regulasyon at pasanin sa publiko.

Nakasaad sa panukalang batas na ang lahat ng Professional Identification Cards na inilalabas ng PRC ay magkakaroon ng bisa sa loob ng limang taon, alinsunod sa umiiral na mga legal at procedural requirements.

Ayon kay Marcos, makatutulong ang panukala upang makatipid ang mga propesyonal sa oras, pera, at pagod na ginugugol sa paulit-ulit na renewal at mahabang pila sa appointment system.

“Hindi dapat mag-aksaya ng hindi kinakailangang oras at pera ang mga propesyonal sa madalas na renewal kung maaari naman tayong magpatupad ng mas episyenteng sistema nang hindi isinasakripisyo ang professional standards at regulasyon,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, makatutulong din ang panukala upang mabawasan ang siksikan sa appointment system ng PRC sa pamamagitan ng pagbabawas ng taunang renewal transactions.

“Ito ay isang praktikal at makataong reporma na magpapabilis, magpapahusay, at magpapaginhawa sa serbisyo ng gobyerno para sa milyun-milyong propesyonal na Pilipino,” sabi ni Marcos.

Inaatasan din ng HB 8876 ang Information and Communication Technology Service ng PRC na kumpletuhin ang mga kinakailangang pag-upgrade sa Licensure Examination Registration Information System at iba pang kaugnay na administrative processes sa loob ng anim na buwan mula sa pagiging epektibo ng batas.