Edd Reyes

Kamara desedido pa rin sa kabila ng INC rally

Edd Reyes Jan 15, 2025
8 Views

MUKHANG hindi nagpatinag ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isinagawang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) na sumusuporta sa panawagan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na huwag ng ituloy ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kabila kasi ng pagpapakita ng puwersa ng higit sa isang milyong miyembro ng kapatiran ng INC sa Lungsod ng Maynila at libo-libo pang kasapi nila sa iba’t-ibang panig ng bansa, tila desedido pa ang maraming miyembro ng Kongreso na ituloy ang impeachment sa pamamagitan ng pinakamabilis na paraan na kabilang sa tatlong pamamaraan sa paghahain ng impeachment.

Kung tutuusin kasi, napakalakas ng ihahaing reklamo laban sa bise presidente kabilang ang betrayal of public trust, graft and corruption, at bribery, na kanilang ibabatay sa mga naganap na pagdinig ng Quad Committee kung saan hindi sinagot ni VP Sara ang mga paratang

Kung ang naunang dalawang pamamaraan kasi ng paghahain ng impeachment ang gagawin ng Kamara, tiyak na mawawalan na ito ng saysay dahil sa kakapusan ng panahon.

Pero dito sa ikatlong pamamaraan, kung saan kinakailangan lamang ang lagda ng 1/3 o 105 na mambabatas mula sa kabuuan nilang bilang na 315, kayang-kaya nilang makabuo ng naturang bilang para maisampa kaagad ang reklamo at ng articles of impeachment sa Senado tulad ng ginawa noon ng Kamara kina dating Pangulong Joseph Estrada at Chief Justice Renato Corona.

Yun nga lang, hindi nakakasiguro ang mga miyembro ng Kamara na magtatagumpay ang impeachment laban kay VP Sara pagdating sa Senado dahil kahit ano pa ang tunay na nakasaad sa Saligang Batas hinggil sa pagsasailalim sa paglilitis, tiyak na iiral pa rin ang paramihan ng boto lalu’t 16 na Senador ang kinakailangang pumabor para ma-convict ang bise presidente.

Kayo mga mahal kong mambabasa, sa palagay ba ninyo, makakabuo ng 16 na boto sa kasalukuyang hanay ng mga Senador para ma-convict si VP Sara? Sa akin lang kasing opinyon, paramihan talaga ng kakampi ang labanan dito at hindi ang pagpapatupad kung ano ang tunay na nasasaad sa Saligang Batas.

Ningas-kogon sa implementasyon ng batas at ordinansa, umiiral pa rin

SA dinami-dami ng mga umiiral na batas, ordinansa, resolusyon, at maging Presidential Decree, patuloy pa ring umiisip ng mga lilikhaing batas ang mga kongresista, senador, konsehal, at maging mga opisyal ng barangay.

May mga ipinapasa pa ngang ordinansa ang mga lokal na pamahalaan na kung hindi sumasalungat sa umiiral na batas ay nagdudulot ng kalituhan sa mga nagpapatupad ng batas kaya ang nangyayari, nauuwi sa pagbasura sa sinasampahan ng kaso, hindi dahil sa wala talaga silang nalabag, kundi dahil sa teknikalidad.

May mga ipinapasa ring batas na hindi naman kaagad maipatupad dahil kahit ang opisyal ng mga ahensiyang naatasang gumawa ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ay nahihirapan kung papaano nila ito mailalatag para maisagawa ang implementasyon.

Halimbawa na rito ang inapurang batas na gawing doble raw ang plate number ng mga motorsiklo, isa sa unahan at isa sa hulihan, pero anong kompanyang nagma-manufacture ng motorsiklo ang makakagawa ng isang uri ng motorsiklong puwedeng lagyan ng plaka sa unahan?

Ang problema kasi, naipapasa kaagad ang batas pero sa bandang huli pala ay dapat pa pala ang masusing pag-aaral kung papaano ito maipapatupad ng walang aberya.

Hindi rin kaila sa hanggang sa una lang naipapatupad ang mga naipapasang batas kapag maigting ang kampanya ng mga tagapagpatupad ng batas sa implementasyon nito pero sa kalaunan ay lumalamig na rin ang pagpapatupad kaya balik muli sa dating gawi ang mamamayan.

Ilan sa mga halimbawa lang ng mga ningas-kogon na pagpapatupad ang Seatbelt Law o R.A. 8750, ang Motorcycle Helmet Act of 2009, ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at maging mga ordinansa tulad ng Anti Littering, Jaywalking, at marami pang iba.

Hindi naman siguro lahat ay isisi sa mga nagpapatupad ng batas ang implementasyon ng mga umiiral na batas at ordinansa dahil pangunahin talagang pangangailangan sa pagpapatupad ng batas ay ang paninindigang pulitikal o political will.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].