Calendar

Kamara gusto kilalanin galing, husay nina Mendoza, Adasa
IPINASA ng House of Representatives ang dalawang resolusyon bilang pagkilala sa namayapang Solicitor General Estelito Mendoza at dating Zamboanga del Norte Rep. Artemio A. Adasa Jr.
Ang mga resolusyong ito ay iniakda nina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Party-list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre.
Sa bisa ng House Resolution No. 2290, binigyang-pugay ng Kamara si Mendoza, na pumanaw noong Marso 26 sa edad na 95.
Kinilala ng mga mambabatas ang kanyang “kahanga-hangang kontribusyon sa batas at serbisyo publiko,” at tinawag siyang “Super Lawyer” at “Attorney of Last Resort” dahil sa kanyang makasaysayang karera sa gobyerno at pribadong sektor.
Nagsilbi si Mendoza bilang Solicitor General mula 1972 hanggang 1986, habang sabay ding naging miyembro ng Batasang Pambansa para sa Pampanga, gobernador ng lalawigan, at Minister of Justice.
Naging aktibo rin siya sa pandaigdigang larangan ng batas—bilang chairperson ng Sixth (Legal) Committee ng United Nations General Assembly at vice chairperson ng delegasyon ng Pilipinas sa Third UN Conference on the Law of the Sea.
Bilang pribadong abogado, humawak siya ng maraming high-profile na kaso na lalo pang nagpatibay sa kanyang reputasyon bilang isang haligi ng batas sa bansa.
Tumanggap din siya ng iba’t-ibang parangal, tulad ng Presidential Medal of Merit at Lifetime Distinguished Achievement Award mula sa University of the Philippines Alumni Association.
Ayon sa resolusyon, “Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan hindi lamang sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay kundi pati na rin sa buong propesyon ng batas at sambayanang Pilipino.”
Samantala, sa ilalim ng House Resolution No. 2286, ipinaabot ng Kamara ang pakikiramay sa pamilya ni Adasa, na pumanaw noong Pebrero 7 sa edad na 72.
Nakilala si Adasa, na tinawag na “Tim,” bilang kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga del Norte sa Ikawalo at Ikasiyam na Kongreso.
Nagsilbi rin siya bilang Deputy Secretary General ng Legislative Operations Department hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2017.
Kabilang sa kanyang mga naakda at sinuportahang batas ang Local Government Code of 1991, Compensation and Position Classification Act of 1989, Philippine Foreign Service Act of 1991, Consumer Act of the Philippines, at ang Inter-Country Adoption Act of 1995.
Pagkatapos ng kanyang serbisyo sa Kongreso, naitalaga rin siya bilang Undersecretary ng Department of Agrarian Reform, at kalaunan ay bumalik sa Kamara bilang isang mataas na opisyal.
Ayon sa resolusyon, si Adasa ay mananatiling alaala ng “kanyang dedikasyon sa paggawa ng makabuluhang batas para sa bayan at sa lokal na pamahalaan, kanyang malasakit sa kapwa, at taos-pusong hangaring maglingkod sa sambayanang Pilipino.”