Kamara2

Kamara gustong maka-usap ang Senado sa panukalang economic Charter amendments

111 Views

GUSTO ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na magkaroon ng pag-uusap ang liderato ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ang Senado kaugnay ng panukala na amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

“It is important for us to work with the Senate on this, so that we can limit the possible constitutional challenge on RBH 6 and RBH 7 will face,” ani Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David Suarez.

Ang tinutukoy ni Suarez ay ang resolusyon ng Kamara at Senado na naglalayong amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.

“Tayo po dito sa Kongreso, we’re set to approve this (RBH 7) on third and final reading on Wednesday and I hope that our counterparts in the Senate will find enough time in their hands to approve the same,” sabi ni Suarez.

Sinabi ni Suarez na ang paparating na Holy Week recess ay isang magandang pagkakataon upang magka-usap ang Kamara at Senado upang maging malinaw ang tatahakin nilang direksyon sa panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.

“Kasi iyong Senate kay RBH 6, tayo naman may RBH 7, tayo patapos na so kinaikailangan lang po talaga natin malaman sa Senate kung kailan at kung anong buwan maipapasa nila ‘yung version nila. Ang mahalaga naman po talaga dito is mapagbotohan ito ng ating mga mamamayan. Ang dulo parati nito will be a plebiscite. So, it is important for us to allow the Filipino people to decide on the proposed amendments,” sabi pa ni Suarez.

Sinabi ni Suarez na maaari ring gamitin ng mga senador ang Holy Week break upang magnilay-nilay kaugnay ng kahalagahan ng Charter change.

“Siguro maganda na maximize natin ‘yung Holy Week break. We can do some self-reflection, we can pray for enlightenment. We can hope for discernment so that we can meet. Kasi talagang importanteng-importante na po ito para sa ating bansa,” sabi pa nito.

“At nakikita niyo naman iyung excitement ng business community pagdating sa restrictions na pinag-uusapan na tatanggalin po natin sa ating Constitution. So ito pong pagkakataon na makakapagpahinga sa palagay ko maganda ‘yung pagkakataon na makapag-usap din ‘yung Senado at ang Kongreso para malaman na talaga ‘yung susunod na hakbang patungkol sa lifting ng restriction sa ating Constitution,” dagdag pa ng solon.

Kung maaprubahan umano ng dalawang kapulungan ang kani-kanilang resolusyon at maisusumite ito sa Commission on Elections (Comelec) para maitakda ang plebisito ay inaasahan na makukuwestyon ito sa Korte Suprema.

“Kasi mangyayari at mangyayari ‘yun, kaya mahalaga na talagang makapag-usap ‘yung leadership ng Senate at ‘yung leadership ng House para mas makita natin kung ano ‘yung daan na mas maganda with less impediments,” saad pa ni Suarez.

Sa tanong kung maaari bang isumite ng Kamara ang RBH 7 sa Comelec kahit hindi pa tapos ang Senado, sinabi ni Suarez na “Everything is on the table, but I think the best route for us to take is to work with the Senate, because we want to lessen any legal obstacle for RBH 6 and RBH 7 will eventually face.”

“Tulad nga ng sinabi kanina na may mga sektor na handa nang maghahabla ng kaso sa Supreme Court, so mas maganda kung maghahabla ng kaso at may mga legal questions na kailangan mabigyan ng kaliwanagan. Maganda ‘yung both houses mag-usap para ma-address na kaagad natin ito moving forward,” sabi pa nito.

Ayon naman kay House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jefferson Khonghun makabubuti kung mabilis na maipapasa ng Senado ang kanilang RBH 6.

“Mas maganda kung aprubahan ng Senado yung RBH6. Kasi syempre inaantay na rin namin sila…So sana kunin ng Senado ‘yung oras ngayong Holy Week para naman mapag-isipan nila. At sana naman ano ‘yung maramdaman nila ‘yung konsensya dahil talagang kailangang-kailangan na ito ng bawat Pilipino,” anito.

Naniniwala naman si Rep. Rodge Gutierrez, ng 1-RIDER Party-list na makabubuti kung makapaglalabas ng desisyon ang Korte Suprema upang matuldukan na kuwestyon kung ano ang tamang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon

“Personally, I hope that they do consider that as a trigger…Over the Holy Week, we still have to consider the thoughts and the considerations of our colleagues in the Senate, but while that is pending, hopefully the SC would start the legal process to finally come up with a definite answer to these lingering questions,” sabi ni Gutierrez.

“All of these are important, but we’re all moving towards the same goal naman and at the end of the day, any which way that the SC may rule, tao rin po ang magde-desisyon. It will end up in a plebiscite and that’s the most important thing,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Malasakit@Bayanihan Party-list Rep. Anthony Golez umabot na ang Kamara sa panahon kung saan maraming hakbang na pagpipiliin sa pagsusulong ng Charter change.

“It can be a bifurcation of so many steps. Kasi wala pang nakakaabot sa ganitong punto ang Kongreso. Makikita natin ngayon na maraming katanungan, papunta ba sa Comelec, papunta ba sa Supreme Court? All these things are possible,” dagdag pa nito.