Wages

Kamara inaprubahan P200 umento sa sahod sa pribadong sektor

31 Views

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill Blg. 11376 na naglalayong dagdagan ng P200 ang arawang minimum na sahod ng lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.

Inaprubahan ang panukalang batas sa muling pagbubukas ng ika-19 na Kongreso nitong Miyerkules. Naipasa na rin ng Senado ang sarili nitong bersyon ng wage hike bill mas maaga ngayong taon.

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng makasaysayang panukala, ang pagpasa ng batas ay sumasalamin sa matatag na pangako ng pamahalaan na iahon ang mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan at tiyakin na ang bawat ambag ng manggagawa sa pag-unlad ng bansa ay may karampatang kabayaran.

Batay sa Seksyon 3 ng panukalang batas, itataas ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, anuman ang kanilang employment status—kabilang ang mga nasa kontraktwal at sub-kontraktwal na kalagayan, at maging sa mga nasa agrikultural man o hindi agrikultural na trabaho. May nakalaan ding parusa sa mga employer na hindi susunod sa itinatakda ng batas.

Upang matulungan ang maliliit na negosyo na makasunod sa dagdag-sahod, maaaring makinabang ang mga ito sa insentibo mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) alinsunod sa HB 11376. Batay sa Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) Act of 2002, exempted ang mga BMBE sa pagpapatupad ng dagdag-sahod. Maaari ring humingi ng exemption ang mga retail o service establishments na may hindi hihigit sa 10 regular na manggagawa, pati na rin ang mga negosyong naapektuhan ng mga kalamidad o sakunang gawa ng tao.