CDA

Kamara inaprubahan panukalang regulasyon, tulong sa cooperative banks

162 Views

INAPRUBAHAN sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na magre-regulate sa mga aktibidad ng mga cooperative bank (CB) upang mahimok ang mga Pilipino na sumali sa mga ito na makatutulong sa pag-unlad ng mga kooperatiba sa bansa.

Walang tumutol sa pagpasa ng House Bill 8265 na nakakuha ng 206 pabor na boto.

Sa ilalim ng panukala ay papayagan ang mga foreign cooperative na sumali sa kondisyon na hindi maaaring mag-may-ari ang mga ito ng mahigit 40% ng kabuuang outstanding voting share ng lokal na cooperative bank.

Ang mga organisasyon na mayroong hindi bababa sa 15 kooperatiba na nakarehistro sa ilalim ng Cooperative Code ay papayagan na magrehistro ng CB sa Cooperative Development Authority (CDA) kapag kanilang nakompleto ang mga requirement na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

“This bill provides for the establishment, management, and regulation of cooperative banks under the supervision of the BSP as primary regulator, conformably with the provisions of the General Banking Law of 2000. The Cooperative Development Authority is also tasked to monitor compliance by cooperative banks with cooperative laws, rules, and regulations,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, lider ng Kamara na may 312 miyembro.

“We hope that with this proposed law, we will encourage more Filipinos to join cooperatives and form cooperative banks so that credit facilities with reliable and reasonable terms will be more available and readily accessible to the public,” dagdag pa ng pinakamataas na lider ng Mababang Kapulungan na kumakatawan sa unang distrito ng Leyte. “The long-term goal of this relevant law is to help cooperatives and Filipinos attain financial independence and achieve their aspirations.”

Sa ilalim ng HB 8265, ang mga CB ay pinapayagan na magbigay ng iba’t ibang serbisyong pinansyal gaya ng pagpapa-utang, pagtanggap ng deposito, discounting at rediscounting, correspondent banking, pagpasok sa debt security, at palitan ng pera.

Nililimitahan naman ang maaaring ipautang ng CB sa 25 porsyento ng kapital at surplus nito. Ang mga CB ay ililibre rin sa mga national at local tax.

Kasama sa mga may-akda ng panukala sina Reps. Felimon Espares, Pablo John Garcia, Joseph Stephen “Caraps” Paduano, Erwin Tieng, France Castro, Aurelio “Dong” Gonzales, Kristine Singson-Meehan, Eric Yap, Eulogio Rodriguez, Leody “Odie” Tarriela, Lex Anthony Cris Colada, Joey Salceda, Antonio “Tonypet” Albano, Allan Ty, at Sonny Lagon.