Calendar
Kamara inaprubahan unang budget ng Marcos administration
TINUPAD ng Kamara de Representantes ang pangako nito na hindi bibitinin ang pagpasa ng panukalang budget para sa 2023 na kailangan ng Marcos administration upang magawa ang mga programa at proyekto na makatutulong sa sambayanang Pilipino.
Sa botong 289 pabor at tatlong tutol, sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez na pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4488 o ang panukalang P5.268 trilyong budget para sa 2023.
Pinuri ni Romualdez ang kanyang mga kapwa kongresista na naging mapanuri umano upang matiyak na tama ang pagkakagastusan ng limitadong pondo ng gobyerno.
“The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” sabi ni Romualdez.
Kinilala ni Romualdez ang malaking papel nina House Majority Leader at Rules Committee chair Manuel Jose Dalipe, House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co,at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, ang senior vice chairperson ng Appropriations committee upang maipasa ang budget bago nag-adjourn ang sesyon noong Setyembre 28.
Kung hindi naipasa, maaaring sa pagbabalik pa ng sesyon sa Nobyembre ito magawa ng Kamara o halos dalawang buwan bago ang pagpapalit ng taon.
Ayon kay Romualdez mahalaga na masiguro na ang gagawing paggugol sa panukalang budget ay nakasunod sa 8-point socio-economic agenda ng Marcos administration upang masiguro na magreresulta ito sa inaasam na pag-unlad ng bansa.
Inabot ng anim na linggo bago natapos ng Kamara ang budget mula sa pagsusumite rito ng Department of Budget and Management (DBM) noong Agosto 22, 2022.