Pope

Kamara kinilala malasakit, pamumunong moral ni Pope Francis

21 Views

NAGPASA ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang resolusyon na nagpapahayag ng taos-pusong dalamhati sa pagpanaw ni Kanyang Kabanalan Pope Francis, bilang pagkilala sa kanyang pamumunong moral, malalim na malasakit, at matatag na paninindigan para sa pagkakaisa ng mga pananampalataya, pangangalaga sa kalikasan, at katarungang panlipunan.

Ang House Resolution Blg. 2284, na pangunahing iniakda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay nagkakaisang pinagtibay ng kapulungan bilang pormal na pagpapahayag ng pambansang dalamhati at pasasalamat.

Kabilang sa mga kapwa may-akda ng resolusyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, House Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at mga kinatawan ng Tingog Party-list na sina Yedda K. Romualdez at Jude Acidre.

“Si Pope Francis ay isang pinunong espiritwal na ang kababaang-loob at katapangan ay nagpabago sa mundo. Itinaas niya ang pagkapapa bilang isang simbolo ng inklusibidad, katarungan, at pagmamahal. Ang kanyang alaala ay mananatili hindi lamang sa Simbahang Katoliko, kundi sa puso ng lahat ng naniniwala sa dangal ng bawat tao,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Pumanaw si Pope Francis noong Abril 21 sa edad na 88, sa kanyang tirahan sa Casa Santa Marta sa Vatican. Noong 2013, siya ang naging kauna-unahang Papa na Heswita, unang Papa mula sa Latin America, at unang gumamit ng pangalang Francis, bilang parangal kay San Francisco ng Assisi — isang salamin ng kanyang habangbuhay na adbokasiya ng kababaang-loob at pagiging simple.

“Namuhay siya kasama ng mga mahihirap at kumampi sa mga walang tinig. Nagsikap siyang pag-isahin ang sangkatauhan sa kabila ng pagkakahati. Hinding-hindi siya malilimutan ng sambayanang Pilipino, na mapagmahal na tinawag siyang Lolo Kiko, lalo na sa mga panahong tayo’y lugmok at nagdadalamhati,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Inalala rin sa resolusyon ang pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015, lalo na ang kanyang makasaysayang pagbisita sa Tacloban City matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda — isang makapangyarihang pagpapakita ng tapang at pakikiisa sa mga Pilipinong nagdusa at nawalan.

Binigyang-diin din sa resolusyon ang kanyang mga ambag sa teolohiya, kabilang ang mga ensiklikal tulad ng Laudato Si’, Fratelli Tutti, at Lumen Fidei, na nagpapahayag ng mga prinsipyo ng katarungang panlipunan, pangangalaga sa kalikasan, at pandaigdigang pagkakapatiran.

Itinatampok rin ang kanyang pagsusulong ng dayalogo sa pagitan ng mga relihiyon, sa pamamagitan ng makasaysayang paglagda sa “Document on Human Fraternity” kasama si Grand Imam Ahmed el-Tayeb noong 2019 — isang matibay na patunay ng kanyang paniniwala sa pagkakaisa ng sangkatauhan sa kabila ng pananampalataya.

Inilarawan ng Mababang Kapulungan si Pope Francis bilang isang repormistang lider ng Simbahan, na isinulong ang katapatan at pananagutan sa pamumuno, habang nananatiling tapat sa isang pastoral na bisyon na nakaugat sa habag.

“Ang kanyang mga turo sa pananampalataya, tapang, pag-ibig, at kababaang-loob ay lampas sa mga hangganan ng bansa, at patuloy na magiging inspirasyon ng mga susunod na henerasyon,” ayon sa resolusyon. “Ang kanyang pambihirang pamumunong espiritwal at wagas na pagmamahal sa sangkatauhan ay nag-iwan ng pamana ng kapayapaan at pag-asa.”

Iniuutos din sa pinagtibay na resolusyon na ipadala ang isang kopya nito sa Apostolic Nunciature sa Maynila, bilang pagpapakita ng pakikiisa ng Kamara sa pandaigdigang pamayanang Katoliko.