Fernando

Kamara nagdalamhati sa pagpanaw ni Bayani Fernando

Mar Rodriguez Sep 26, 2023
191 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang resolusyon na naghahayag ng pakikidalamhati sa pamilya ng namayapang si dating Marikina Mayor at congressman Bayani “BF” Fernando, na sumakabilang buhay noong Setyembre 22 sa edad na 77.

Sa House Resolution (HR) No. 1332, na inakda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre, ay nagbibigay pugay rin sa buhay at mga ambag ni Fernando sa bansa.

Bahagi ng naging karera ni Fernando ang pagiging alkalde ng Marikina City ng tatlong magkakasunod na termino mula 1992 hanggang 2001, pagiging pangulo ng Manila Mayor’s League noong 2001, chairperson ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong 2002, kalihim ng Department of Public Works and Highways noong 2003, pagbabalik bilang tagapangulo ng MMDA mula 2003 hanggang 2009 at pagiging kinatawan ng unang distrito ng Marikina City sa 17th at 18th Congress mula 2016 hanggang 2022.

Kinilala sa resolusyon ang kaniyang pagiging “true public servant” kung saan tinularan ng maraming lokal na opisyal ang pamamaraan ng pamumuno at hindi nagpadala sa impluwensya ng popularidad sa kaniyang pagpapatupad ng mga batas.

Tinukoy din sa resolusyon ang pagiging tagapag-sulong ni Fernando ng simple, epektibo at science-based na mga polisiya at pagpreserba sa rule of law na siyang sandigan ng kaniyang matatag at maaasahang track record pagdating sa pamumuno.

“Honorable Bayani ‘BF’ F. Fernando will always be remembered for uplifting the welfare and well-being of countless Marikeños and the Filipino people,” sabi sa resolusyon. m

Pinagtibay ang HR 1332 at isinama ang mga katulad na HR Nos. 1327 at 1330.

Bahagi ng epektibong pamamahala ni Fernando ang mga programang nakatuon sa kalinisan at pagkilala sa rule of law sa lungsod ng Marikina.

Sa kaniyang pamumuno, mabilis na nabago ang Marikina mula sa pagiging fourth-class municipality patungo sa pagiging modelong lungsod na kilala sa kalinisan, mga residenteng sumusunod sa batas at pagkakaroon ng maayos na pedestrian accessibility.

Dahil dito ay kinilala ang Marikina bilang Best National Capital Region Local Government Unit noong 1994 at Most Outstanding City in the Philippines noong 1997.

Bilang chairperson naman ng MMDA ipinakita ni Fernando ang kaniyang political determination at nagpatupad ng siyentipiko at praktikal na solusyon para tugunan ang ilang isyu sa Metro Manila gaya ng waste management, at pagsisikip sa daloy ng trapiko at pag-baha.

Sa kaniyang pag-sisilbi bilang Deputy Minority Leader ng 18th Congress, itinuon ni Fernando ang kaniyang mga panukala at adbokasiya para sa pagsasa-ayos ng transportasyon, MMDA at pribadong imprastraktura.

Ilan sa mga panukalang batas na kaniyang itinulak ang House Bill (HB) 0922, o “Road Use Act of 2019”; HB 0923, o “Philippine Building Act of 2019”; at HB 2141, o “An Act Enhancing the Effectiveness of the Metropolitan Manila Council in Formulating Policies, Rules, and Regulations, and in Enacting Ordinances for Metro Manila, Amending for the Purpose Republic Act (RA) 7924, entitled “An Act Creating the Metropolitan Manila Development Authority, Defining its Powers and Functions, Providing Funds Therefor and for Other Purposes.”

Nagsilbi rin siyang co-author ng mahahalagang pangnasyunal na batas gaya ng RA 11534, o “Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act”; RA 11291 o “Magna Carta of the Poor”; RA 11229, o “Child Safety in Motor Vehicles Act”; at RA 11215, o “National Integrated Cancer Control Act.”

Bukod sa pagsusulong ng lehislasyon nagsulong din si Fernando ng mga proyekto sa unang distrito ng Marikina para maisaayos ang pamumuhay ng mga residente.

Halimbawa nito ang Bahay Tao project, na nagbigay ng disenteng pabahay at ang konstruksyon ng mga dike at flood control

Maliban sa serbisyo publiko, isa ring matagumpay na negosyante si Fernando na siyang bumuo sa BF Group of Companies, na nakatutok sa construction, steel, manufacturing, at real estate industries.

Nakatanggap din si Fernando ng mga pagkilala sa kaniyang pamumuno gaya ng Doctor of Humanities, Honoris Causa mula sa Ateneo de Cagayan, Outstanding Filipino Award for Government Service, H.R. Reyes Medallion of Honor mula sa Central Colleges of the Philippines, at Doctor of Public Administration, Honoris Causa mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).