Kamara

Kamara nagfocus sa mangangalakal ng bigas sa kabila ng Marites na presyo minamanipula

90 Views

PINAIGTING ng quinta committee ng Kamara de Representantes ang pag-iimbestiga nito laban sa mga pangunahing importer ng bigas, kaugnay ng umano’y umiiral na rice cartel na nagmamanipula ng presyo kaya nananatili itong mataas kahit na ibinaba na ang taripang ipinapataw sa imported na bigas.

Una ng natuklasan ng quinta committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ang mga kaduda-dudang gawain at posibleng sabwatan ng mga nag-aangkat ng bigas na pinaniniwalaan ng mga mambabatas na dahilan ng pananatili ng mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan.

“The committee focused on top importers because there were clear signs of speculation in the rice import market, such as swelling commercial inventories, delays in withdrawals by importers and imports surpassing USDA (United States Department of Agriculture) projections,” ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang lead chair ng mega-panel, sa pagdinig noong Martes.

Ang quinta panel ay binubuo ng mga komite ng ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at special committee on food security.

Ito’y nakatutok sa top 10 rice importers na kumokontrol sa 36 porsiyento ng kabuuang inaangkat, na nagpapakita ng malaking konsentrasyon sa merkado.

Babala ng mga mambabatas na ang mataas na konsentrasyong ito ay maaaring maging daan ng sabwatan ng mga importer upang kontrolin ang presyo ng bigas.

Kabilang sa mga tinukoy na pangunahing importer ng bigas ang Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing Inc., Orison Free Enterprise Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vitram Marketing Inc., Nan Stu Agri Traders, at RBS Universal Grains Traders Corp.

Ayon sa mga rekord ng korporasyon mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), natuklasan ang magkakaugnay na direktiba o sabwatan sa pagitan ng RBS Universal Grains Trader at Sodatrade na maaaring nagresulta sa coordinated business strategies at anti-competitive practices.

Hamon din sa komite ang pagberipika ng mga corporate structure ng Bly Agri Venture Trading, Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Nan Stu Agri Traders, at Lucky Buy and Sell dahil hindi sila nakarehistro sa SEC.

Sa halip, maaaring nag-operate ang mga entity na ito bilang mga sole proprietorship na nakarehistro sa Department of Trade and Industry (DTI), na nagiging hadlang upang mas epektibong masubaybayan at makontrol ng mga awtoridad ang kanilang operasyon.

Sa kabila ng pagbaba ng taripa ng bigas mula 35 porsiyento hanggang 15 porsiyento sa ilalim ng Executive Order 62 na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hunyo 2024, hindi naman malaki ang ibinaba ng presyo ng bigas.

Kahit bumaba ng P11 bawat kilo ang landed price ng inangkat na bigas kumpara sa nakaraang taon, tumaas naman ang presyo ng bigas sa loob ng bansa mula P51 hanggang P55.30, na nagpapakita ng mga hindi epektibong sistema sa pamilihan.

Bukod dito, lumawak nang husto ang agwat ng landed at domestic prices, mula P3 bawat kilo noong 2023 hanggang P20 sa 2024, na nagpapahiwatig ng posibleng manipulasyon o hindi pagka-epektibo sa sistema ng suplay.

Isang patunay dito ang kaduda-dudang gawain, kabilang ang mga ulat mula sa Philippine Ports Authority (PPA) tungkol sa 800 containers ng bigas na matagal nang nakatambak sa mga pantalan noong Setyembre 2024, na maaaring nagpapakita ng pagtatago ng mga produkto o suplay upang kontrolin ang kanilang presyo.

Inaasahan din ng bansa ang pag-aangkat ng hanggang 5 milyong metriko tonelada ng bigas, habang ang mga negosyante ay sinasamantala ang mababang taripa bago posibleng magbalik ang mataas na mga rate.

Noong Nobyembre 1, 2024, tinatayang nasa 2.5 milyong metriko tonelada ang kabuuang imbentaryo ng bigas sa bansa—o pagtaas na 25 porsiyento mula sa nakaraang taon.

Malaking bahagi ng imbentaryong ito ay hawak ng private commercial traders, na malapit nang umabot sa antas na maaaring ituring bilang large-scale hoarding alinsunod sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Tiniyak ng komite na paiigtingin ang kanilang imbestigasyon, habang ang mga mambabatas ay nagsusulong ng mas mahigpit na mga hakbang upang maseguro ang makatarungang presyo, mas mahusay na pangangasiwa ng mga regulasyon, at pananagutan mula sa mga negosyante at importer.

Mahalaga ang mga hakbang na ito upang mapatatag ang suplay at presyo ng bigas, protektahan ang mga mamimili, at pangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino.