Kamara

Kamara nakapagtala ng mataas na public satisfaction — Tangere survey

23 Views

NAKAKUHA ng pinakamataas na public satisfaction rating ang Kamara de Representantes sa hanay ng lehislatura, ayon sa pinakabagong survey ng market research firm na Tangere.

Sa nationwide survey ng Tangere ngayong buwan, nakapagtala ang Kamara ng 55.7 porsiyento.

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang resulta ng survey na isang malinaw na pagpapatunay ng dedikasyon ng Kamara sa pagpasa ng mga batas na tumutugon sa agarang pangangailangan ng mga Pilipino.

“This is a vote of confidence from our people. It tells us that the House of the People is delivering real results—affordable rice, housing for the poor, irrigation for farmers, better healthcare for children,” ani Speaker Romualdez.

“We draw strength from the people’s trust, and we will repay it with honest, hard work,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ng Speaker ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo upang makamit ang patuloy na kasiyahan ng publiko sa ginagawa ng gobyerno.

Iniuugnay niya ang mataas na rating hindi lamang sa mga independiyenteng inisyatibo ng Kamara kundi maging sa matibay na suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Under the President’s leadership, we are aligned in building a Bagong Pilipinas. This unity of purpose is key to the steady progress we are seeing across all branches of government,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ipinakita rin sa survey ng Tangere na ang kasiyahan ng publiko sa Office of the President ay tumaas sa 61.8 porsiyento, matapos ang mga ginawang interbensyon upang lumakas ang ekonomiya at pagpapatupad ng mga programang panlipunan.

Nakatanggap din ng pinagsama-samang average satisfaction rating na 60 porsiyento ang Armed Forces of the Philippines, kung saan mataas ang naging marka ng Army, Navy at Air Force.

Sa kabilang banda, bahagyang tumaas ang rating ng Senado, habang ang Office of the Vice President—na kasalukuyang nahaharap sa impeachment trial—ay nakakuha ng rating na 48.4 porsiyento.

Binigyang-diin ng Speaker na bagama’t nakapagpapalakas ng loob ang mga resulta ng survey, ang tunay na sukatan ng paglilingkod ay ang mga konkretong reporma at epekto ng mga ipinapasang batas sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

“Surveys come and go, but public service must remain consistent. Our focus is not popularity—it is performance,” aniya.

Isinagawa ang Tangere survey noong Mayo 8 hanggang 9 gamit ang stratified random sampling sa 1,500 respondents sa buong bansa, na may margin of error na ±2.48 porsiyento.