Kamara

Kamara pinagtibay resolusyon ng pasasalamat kay PBBM sa suporta nito sa kapulungan

Mar Rodriguez Nov 13, 2023
172 Views

Pinagtibay ng Kamara de Representantes noong Lunes ng hapon ang isang resolusyon na nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hindi matatawarang suporta nito sa kapulungan.

Ang House Resolution (HR) No. 1436 ay nagpapahayag ng pasasalamat kay Pang. Marcos sa pagsuporta nito upang magawa ng Kamara ang mga panukala na magpapalabas at magpapa-unlad sa bansa.

Ang resolusyon ay pangunahing inakda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.

Ang iba pang may-akda ay sina Representatives Roberto V. Puno, Robert Ace S. Barbers, Michael John R. Duavit, Antonio T. Albano, Brian Raymund S. Yamsuan, Johnny Ty Pimentel, Albert S.Garcia, Tobias Reynald M. Tiangco, Jose S. Aquino II, Elizaldy S. Co, Luis Raymund F. Villafuerte Jr., at Eleandro Jesus Madrona.

Ayon sa mga may-akda simula nang manungkulan noong Hunyo 30, 2022, itinulak ni Pang. Marcos ang pangangailangang magkaisa at magsama-sama upang umunlad ang bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiya na makapagpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Sinabi ng mga may-akda na ang Kamara ay kaisa ni Pang. Marcos sa pagpasa ng mga batas na kinakailangan upang maging maganda ang kinabukasan ng Pilipinas.

“Through the unfailing guidance and decisive leadership of President Marcos, the House of Representatives triumphantly accomplished its sworn duty to enact vital legislative measures and pursue the President’s socio-economic agenda and SONA priority measures, and instituted the needed reforms to boost the economy, create more jobs and livelihood opportunities, and improve the living conditions of the Filipinos,” sabi ng mga may-akda.

Sinabi ng mga mambabatas na marami ng nagawa ang Kamara sa kalahati ng termino nito partikular sa pagtaguyod ng mga prinsipyo ng integridad, pagiging lantad, at may pananagutang pamamahala, paghahangad ng malaking paglago ng ekonomiya, at pag-ahon sa mga Pilipino mula sa kahirapan.

Ang maayos at kahanga-hanga umanong relasyon ng Kamara kay Pang. Marcos ay nagbalik sa tiwala ng publiko at nagpaganda ng imahe ng Mababang Kapulungan.

“The House of Representatives recognizes President Marcos’s esteemed ability to steer and inspire this august chamber to move forward as a dynamic, efficient, and focused government arm upon which the entire Filipino nation rests its trust, hopes, and aspirations,” sabi pa ng mga may-akda.

Nanawagan din ang mga may-akda ng resolusyon sa iba pang institusyon na sumama sa kanilang pagsuporta sa liderato, mga programa, at direktiba ng Pangulo upang muling umangat ang Pilipinas.

Pinagtibay ng Kamara ang resolusyon dalawang araw bago ang nakatakdang pagdalo ni Pang. Marcos sa ika-30 Leaders’ Summit of the Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na gaganapin sa San Francisco, California.