Teves

KAMARA PINALALAKAS PROTEKSYON SA MGA BATA VS PANGANIB SA SOCIAL MEDIA, ONLINE GAMES

Mar Rodriguez Sep 10, 2026
14 Views

ISANG mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas na paggamit ng internet ng mga batang Pilipino ang ginawa ng House Committee on Welfare of Children matapos nitong aprubahan ang Substitute Bill para sa panukalang Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act.

Ang panukala ay inihain ni House Deputy Majority Leader at TGP Party List Rep. Bong Joson Teves Jr. sa pamamagitan ng House Bill No. 10551.

Sinabi ni Teves na layunin nitong magtakda ng minimum age requirements para sa paggamit ng social media at ilang online gaming platforms, palakasin ang paggabay at pagbabantay ng mga magulang, at magpatupad ng mas mahigpit na safety standards sa mga digital platform na ginagamit ng mga bata.

Ayon kay Teves, mahalagang palakasin ang mga mekanismo para maprotektahan ang mga kabataan habang patuloy na nagiging bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay ang teknolohiya at social media.

Kabilang sa tinututukan ng panukala, pahayag pa ni Teves, ang kaligtasan, mental well-being at kabuuang pag-unlad ng mga bata sa harap ng iba’t ibang panganib na maaaring dulot ng hindi ligtas o hindi responsableng paggamit ng digital platforms.

Sa pamamagitan ng pagtatakda ng minimum age requirements at pagpapalakas ng parental oversight, nais ng panukala na magkaroon ng mas malinaw na proteksiyon para sa mga batang gumagamit ng social media at online games.

Kasabay nito, idinagdag pa ng kongresista na layunin ding palakasin ang pananagutan ng mga online platform sa pagtiyak na ligtas ang kanilang mga serbisyo para sa mga batang gumagamit nito.

Binigyang-diin ni Teves na habang mahalaga ang responsableng paggabay ng mga magulang, kailangan ding magkaroon ng mas matibay na safety standards mula mismo sa mga platform.

“Sa patuloy na paghubog ng teknolohiya sa buhay ng ating mga kabataan, nananatiling nakatuon ang TGP Party-list sa pagprotekta sa kanilang kaligtasan, mental na kalagayan at kabuuang pag-unlad,” ayon sa mambabatas.

Sabi pa ni Teves na layunin ng panukala na isulong ang mas responsableng paggamit ng digital platforms at tiyaking may sapat na proteksiyon ang mga bata habang sila ay natututo, nakikipag-ugnayan at gumagamit ng teknolohiya.

Ayon sa kaniya, ang pagpapalakas ng mga panuntunan at pananagutan sa online platforms ay isang proactive na hakbang upang matiyak na ang bawat batang Pilipino ay maaaring lumaki, matuto at umunlad sa isang mas ligtas at mas malusog na digital environment.

Ang pag-apruba ng House Committee on Welfare of Children sa Substitute Bill ay nagsisilbing panimulang hakbang sa pagsusulong ng mas komprehensibong proteksiyon para sa mga batang Pilipino sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng digital technology.