Martin

Kamara sa pamumuno ni Romualdez produktibo

157 Views

NAGING produktibo ang Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez.

Pinapurihan ni Romualdez ang kanyang mga kasamahan na agad na nagtrabaho mula ng magbukas ang 19th Congress noong Hulyo 25 upang makagawa ng mga batas na kailangan upang mapabuti ang kalagayan ng sambayanang Pilipino.

“Our mission from Day One is clear: Help resuscitate the pandemic-battered economy and make economic transformation the main engine to uplift the lives of the Filipino people,” sabi ni Romualdez sa kanyang speech bago ang adjournment ng sesyon.

Sa unang 23 araw ng sesyon ng Kamara ngayong 19th Congress ay naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang 37 panukalang batas.

Ito ay 106 porsyento na mas marami kumpara sa 18 panukala na naipasa sa kaparehong panahon noong 18th Congress at mas marami ng 517 porsyento kumpara sa anim na panukala na natapos sa kaparehong panahon noong 17th Congress.

Nakapagproseso naman ang Kamara ng 427 panukala na 96 porsyento mas marami kumpara sa 218 panukala na natalakay noong 18th Congress at 209 porsyento na mas marami kumpara sa natalakay noong 17th Congress.

Naratipika na rin ng Kamara ang panukalang SIM registration law at pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections at naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.268 trilyong budget para sa 2023.

Binigyang halaga rin ni Romualdez ang agad na pagpapatibay ng Kamara sa Concurrent Resolution No. 2 na sumusuporta sa 2022-2028 Medium Term Fiscal Framework ng gobyerno.

“The adoption by Congress of the MTFF concurrent resolution is a historic one. To my knowledge, this is the first time our legislators fully committed themselves to a medium-term fiscal plan that will serve as anchor for the annual spending and financial plan of the national government,” sabi ni Romualdez.

Ang MTFF umano ang magsisilbing gabay ng Kongreso sa paggawa ng budget at pagpasa ng mga panukala sa susunod na anim na taon.