Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting

Kamara sisilipin kung nakakasunod NGCP sa prangkisa

12 Views

IIMBESTIGAHAN ng Kamara de Representantes kung nasusunod ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang nakasaad sa prangkisang ibinigay dito ng Kongreso.

Ginawa ng chairperson ng komite na si Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting ang desisyon sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng NGCP na maaari umanong paglabag sa prangkisa nito sa isinagawang briefing sa kahandaan ng mga power utility sa inaasahang epekto ng La Niña phenomenon.

Sa pagdinig noong Lunes, iminungkahi ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ang isang komprehensibong pagrepaso sa performance ng NGCP upang malaman kung nakakasunod ito sa mga probisyon ng kanilang prangkisa. Hindi nagtagal ay binago ni Suarez ang kanyang mosyon at hiniling na isang pagdinig at hindi lamang pagrepaso ang isagawa ng komite.

“Given that we are touching on sections and articles of the franchise being enjoyed by NGCP, I therefore move that during the next committee hearing, we do a thorough review and we do a thorough analysis of the performance of NGCP with respect to its franchise. So moved, Mr. Chair,” sabi ni Suarez.

Inamyendahan naman ni Suarez ang kanyang mosyon: “May I call on the members to vote on conducting a motu proprio inquiry for the review of the congressional franchise of NGCP. I move a referendum be made on this matter. So moved, Mr. Chair.”

Sumegunda naman si Laguna Rep. Dan Fernandez mosyon na inaprubahan ni Tambunting matapos na walang tumutol dito.

Sisilipin sa isasagawang imbestigasyon ang pagsunod ng NGCP sa mga obligasyon nito batay sa ibinigay na prangkisa ng Kongreso, ang mga hindi pa rin natatapos na proyekto, at ang paniningil sa mga kustomer ng mga proyektong hindi pa napapakinabangan at ang pagbibigay umano ng prayoridad ng kompanya sa dibidendong matatanggap ng kanilang mga shareholder sa halip na ang kapakanan ng publiko.

Iginiit ni Fernandez ang pangangailangan na mapanagot ang NGCP kung hindi nito nasusunod ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng ibinigay sa kanilang prangkisa.

“The power of oversight is within this committee,” sabi ni Fernandez. “We can and must review whether NGCP is living up to the expectations set by its franchise.”

Ang mosyon ay bunsod ng mga alegasyon ng pagkabigo ng NGCP na tapusin ang mga transmission project nito sa oras.

Iniulat ni Energy Undersecretary Sharon Garin na sa 111 NCGP project na inaprubahan para sa third regulatory period, tanging 83 lamang ang nakompleto o 77 ang delayed.

Sinabi ni Garin na kasama rito ang Hermosa-San Jose transmission line na walong beses ng binabago ang panahon kung kailan ito dapat na matapos.

Ang mga delay na ito, ayon kay Garin ay isa sa mga dahilan kung bakit mahal ang kuryente at nagkakaroon ng mga power outage.

Ikinadismaya rin ng mga mambabatas ang 91.2% dividend payout rate ng NGCP, na pagpapakiita umano na inuuna ang kita ng mga shareholder sa halip napondohan ang mga kinakailangang imprastraktura.

“Dapat inuuna nila ang priority at ang pagbibigay ng tamang serbisyo sa taong-bayan, hindi ang mga shareholders nila,” sabi ni Suarez.

Kinondena rin ni Fernandez ang NGCP sa paniningil sa mga kustomer ng mga proyektong hindi pa natatapos na napapakinabangan ng publiko.

“Is it just and fair to impose and ask the consumers to pay for something that is still not operating?” tanong ni Fernandez.

Dagdag pa nito: “More than P100 billion ang cost ng mga projects na ‘yan. Yet our recovery for that is less than 1%. So what my point here in saying, it may not entirely be accurate that in all cases NGCP is collecting for projects that are not yet useful or being used.”

Pinuntirya rin ng mga kongresista ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagpayag sa NCGP na isama ang “as-spent” costs sa kanilang Regulatory Asset Base, kaya nasisingil na ang mga kustomer sa proyektong hindi pa natatapos.

“Hindi po pwede na ‘yang hindi pa natin ginagamit na mga project eh ikakarga sa taong-bayan,” giit ni Fernandez.

Sinabi ni Fernandez na tinutulan ito nina ERC Chairperson Monalisa Dimalanta at Commissioner Catherine Maceda pero natalo ang kanilang boto.

Ayon kay Dimalanta sa as-spent cost, ang transmission rate ay maaaring tumaas ng hanggang 12 sentimos kada kilowatt-hour sa loob ng 12 buwan.

Kung gagamitin naman umano ang as-completed approach, kung saan maniningil lamang ang NGCP kapag natapos na ang proyekto, maaari umanong mag-refund sa mga kustomer ng hanggang P1 kada kWh.

“Charging for projects that are incomplete, not yet operating, and unproven efficient is fundamentally wrong,” sabi ni Dimalanta.

Sisilipin sa isasagawang imbestigasyon ng komite ang operational at financial compliance ng NGCP sa prangkisa nito sa ilalim ng Republic Act No. 9511.

Ang NGCP ang nag-iisang transmission utility sa bansa. Ang 60% nito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino kasama ang mga business tycoon na sina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr. at ang 40% ay ang State Grid Corp. of China.

Iimbitahan sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng NGCP, at mga pangunahing shareholder nito upang malinawan ang ginagawa ng kompanya.

Inaasahan ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa unang bahagi ng susunod na taon.