Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Jet Source: File PCO photo

Kamara thumbs up sa pagbili ng Pinas ng 20 F-16 fighter jets

Mar Rodriguez Apr 5, 2025
13 Views

SUPORTADO ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang planong pagbili ng Pilipinas ng 20 bagong F-16 fighter jets sa Estados Unidos, na aniya’y mahalagang bahagi ng modernisasyon na magpapalakas sa pambansang depensa.

“Definitely. Sa tagal na ng modernization plan hindi na bago ito at suportado po natin ang anomang hakbang na ginagawa ng ating Sandatahang Lakas, ng ating pamahalaan, at ng administrasyon na palakasin ang ating defense capability,” ani Acidre, ang chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs.

Ang planong pagbili ay bahagi ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para palakasin ang depensa ng teritoryo at harapin ang mga banta sa seguridad.

Binigyang-diin ni Acidre ang mas malawak na kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng AFP.

“Alam mo malaking bagay po sa overall security natin bilang isang bansa, hindi lang ho sa politika, hindi lang ho sa seguridad, maging sa ating ekonomiya na masigurado na kung ano mang pagbabanta ay kaya nating tumindig at meron tayong kahit lang naman na ‘yung defense capability,” ayon sa mambabatas.

Kamakailan ay inaprubahan ng U.S. State Department ang pagbebenta ng 20 F-16 fighter jets sa Pilipinas, na tinatayang nagkakahalaga na $5.58 bilyon. Ang hakbang na ito ay tugma sa layunin ng Pilipinas na i-modernize ang air force kasabay ng pagpapalakas ng koordinasyon nito sa mga kaalyadong bansa.

Binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng pagbili ng mga makabagong kagamitan upang maproteksyunan ang teritoryo at kaligtasan ng mga Pilipino.

“Para masigurado natin lalo na ang ating teritoryo at lalo na ang kaligtasan ng ating mga kababayan.”

Ipinahayag ng Department of National Defense ang plano nitong kumuha ng long-term loan mula sa US upang pondohan ang nasabing akuisisyon, bilang patunay ng dedikasyon ng administrasyon na palakasin ang kakayahan sa depensa sa kabila ng kakapusan sa badget.

Binanggit din ni Acidre ang iba’t ibang tungkulin ng Sandatahang Lakas, hindi lang para depensahan ang bansa.

“Hindi po ito kakaiba at alam naman ho natin… hindi sa usaping seguridad kahit sa usapin ng disaster response ay malaki po ang role ng ating Sandatahang Lakas,” aniya.

“Malaki po ang pwedeng maitulong ng ganito pong mga pagbabago o mga modernization efforts sa ating Armed Forces,” dagdag pa ni Acidre.