Israel

Kamara tinututukan sitwasyon sa Israel kaligtasan ng mga OFWs tinitiyak

14 Views

TINIYAK ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Miyerkules na nakikipag-ugnayan ito sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at agarang repatriation ng mga Pilipinong naipit sa lumalalang tensyon sa Israel, anuman ang kanilang estado sa buhay o katayuang politikal.

Sa isang press conference, sinabi ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na aktibong mino-monitor ng Kamara ang sitwasyon at handang suportahan ang lahat ng makataong at diplomatikong hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA).

“Tututukan ng Kamara ‘yung sitwasyon ngayon sa Israel, at inaasahan naman natin na ang DFA ay gagampanan ang tungkulin nito para protektahan ang ating mga mamamayan. Makikipag-ugnayan din tayo sa ahensya upang masiguro na lahat ng ating mga kababayan—may posisyon man o wala—ay maprotektahan sa kasalukuyang sitwasyon sa Israel,” ani Abante.

Nilinaw rin niya na wala ni isang miyembro ng kasalukuyang 19th Congress ang nasa Israel sa ngayon, kasunod ng mga ulat na may ilang mambabatas umanong naipit o patungong Israel.

“Sa pagkakaalala ko, hindi mahilig mag-abroad ang mga miyembro ng Kamara. Pero gayunpaman, sa impormasyon na hawak ko, walang miyembro ng 19th Congress ang nasa Israel ngayon. Ayon din sa pahayag ng Secretary General, may ilan na nagplano ngunit hindi natuloy,” dagdag pa niya.

“Ang masasabi ko ngayon, batay sa impormasyong hawak ko, wala pong miyembro ng 19th Congress ang kasalukuyang nasa Israel. Wala rin akong personal na kaalaman kung may mga nasa biyahe pa o binago ang itinerary nila,” aniya.

Nauna nang kinumpirma ni House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco na dalawang mambabatas ang humiling ng travel clearance papuntang Israel ngunit kalaunan ay kinansela ito dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.

Ayon sa DFA, posible ring may mga biyahe na ginawang transit point ang Israel papunta o pabalik ng Europa.