Gonzales1 Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Kamara tuloy sa pagiimbestiga para mapababa presyo ng pagkain, kuryente; mapanagot mga opisyal ng gobyerno

11 Views

IPAGPAPATULOY ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matugunan ang mataas na presyo ng pagkain at kuryente at mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mali ang gagawing paggamit sa pondo ng taumbayan, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

“Patuloy nating palalakasin ang kapangyarihan ng oversight ng Kamara para tugisin ang mga iregularidad na gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan. Hindi natin hahayaang magpatuloy ang mga maling practice na nagdudulot ng mataas na presyo ng pagkain at kuryente,” ani Gonzales.

Sa Lunes, Enero 13, ay muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso matapos ang Christmas break.

Iniimbestigahan ng quinta committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ang mga isyu ng agricultural smuggling, hoarding at price manipulation na natukoy na nagpapataas sa food inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng pagkain.

“We are uncovering the mechanisms that allow cartels to thrive, and this House is determined to dismantle these networks of greed,” sabi ni Gonzales.

Iniimbestigahan naman ng House committees on ways and means at legislative franchises ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak na nagagampanan nito ang kaniyang obligasyon, nagbabayad ng tamang buwis at tama ang sinisingil sa mga konsumer.

Itutuloy din ng quad comm ang imbestigasyon sa mga isyu ng iligal na Philippine offshore gaming operation (POGO) at ang kaugnayan nito sa money laundering, at extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyong Duterte.

“This probe is not just about accountability: It is about upholding human rights and protecting our national interests,” saad pa ni Gonzales.

Ang House Blue Ribbon committee naman ang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na kuwestyunable ang ginawang paggastos ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Gonzales na sisilipin din ng Kamara ang pagdami ng mga vlogger at internet troll na nagpapakalat ng maling impormasyon.

“Hindi dapat gamitin ang social media para sa paninira at disinformation laban sa mga nagsusulong ng katotohanan at accountability,” saad pa ng solon.

Pinuri rin ni Gonzales ang Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, sa pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas.

“With 166 laws enacted, including 27 out of 28 LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council) priority measures and 61 out of 64 priority measures under the CLA (Common Legislative Agenda) for the 19th Congress, the House has proven its ability to deliver results that directly benefit Filipinos,” sabi ni Gonzales.

Sinabi ng kongresista na tatalakayin ng Kamara ang mga nalalabing panukala na naglalayong palakasin ang ekonomiya at para sa kapakanan ng publiko, gaya ng House Bill 9729 na naglalayong paramihin ang produksyon ng mga MSME sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga kagamitan sa kanila.

“Ang mga maliliit na negosyo ang backbone ng ating ekonomiya. Kailangan nila ng suporta upang maging globally competitive,” wika pa nito.

Mayroon din umanong panukala na magbibigay ng insentibo sa mga barangay micro-business para magparehistro upang mapadali ang pagbibigay ng tulong sa kanila ng gobyerno, ani Gonzales.

Sinabi ni Gonzales na gagawa rin ang Kamara ng amyenda sa Universal Health Care Act upang madagdagan ang benefit package at mabawasan ang premium contribution ng mga miyembro.

Ipagpapatuloy din umano ang pagtalakay sa National Flood Control Plan para matulungan ang mga lugar na madalas bahain. “We need a comprehensive approach to mitigate flooding and help communities recover more quickly,” ayon sa mambabatas.

Nananatili rin umanong prayoridad ang edukasyon at ipapasa ang mga panukala gaya ng paglikha ng Private Basic Education Voucher Program, Bureau of Private Education, at libreng assessment fees sa mga Senior High School students sa technical-vocational tracks.

Sa pagbubukas ng huling yugto ng 19th Congress, muling iginiit ni Gonzales ang pangako ng Kamara na paglilingkuran ang taumbayan.

“Oversight and legislation are two sides of the same coin. Both are essential in ensuring that our people live better lives,” sabi nito.

“Under Speaker Romualdez’s leadership, the House will continue to uphold accountability, pass impactful laws and deliver results for the nation,” dagdag pa ni Gonzales.