Kampanya laban sa cyberattack palalakasin—Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
103 Views

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng matinding paglaban sa mga nasa likod ng cyberattacks sa mga ahensya ng gobyerno.

Sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng sesyon ngayong Lunes, binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na harapin ang mga cyber threat nagmula man ito sa bansa o sa ibang bansa.

“Panahon na para labanan ang mga cyber-warriors na umaatake sa ating mga institusyon. Nandito man sila o nasa labas ng ating bansa,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang cybersecurity ng bansa upang maprotektahan hindi lamang ang gobyerno kundi ang bawat Pilipino sa cyberthreat.

“Palalakasin natin ang cybersecurity command ng ating bansa para masigurong ligtas ang ating mga institusyon at mga mamamayan sa anumang banta,” saad pa ng lider ng Kamara.

Kamakailan ay inatake ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Philippine Statistics Authority, Department of Science and Technology, Philippine National Police, at Bureau of Customs, at iba pa.

Noong Setyembre 2023, na-ransom attack ang server ng PhilHealth. Humingi ang mga hacker ng $300,000 kapalit ng mga ninakaw nitong impormasyon.

Nang hindi magbigay ng ransom ang gobyerno, inilagay ang ninakaw na impormasyon sa dark web. Sinabi ng PhilHealth na nakumpormiso ang datos ng may 13-20 milyong indibidwal sa pag-atakeng ito.

Hindi rin nakaligtas ang website ng Kamara na inatake noong Oktobre 2023. Naulit ito noong Marso 13 pero naharang ang pag-atake na naglalayong gawing inaccessible sa publiko ang website.

“Given the unabated incidents of cybersecurity threats, it is imperative that we formulate remedial measures with urgency to complement and support the implementation of the National Cybersecurity Plan,” ani Speaker Romualdez.

Upang matugunan ang isyu, sinabi ni Speaker Romualdez na maglulungsad ng imbestigasyon ang Kamara upang makagawa ng batas na magpapalakas sa cybersecurity defense ng bansa.

Sa Martes ay sisimulan ng Committee on Information and Communications Technology ang isasagawa nitong imbestigasyon.

Ang mga impormasyong makakalap sa imbestigasyon ng Kamara, ayon kay Speaker Romualdez ang gagamitin sa paglikha ng bagong batas para matugunan ang problema.

Nanawagan naman si Speaker Romualdez sa mga stakeholder na tumulong upang makabuo ng matibay na batas na lalaban sa cyber threats at maiwasan na makompormiso ang mga sensitibong impormasyon sa digital system ng bansa.