Calendar
Kampanya ng LTO vs pasaway na drivers, pinapurihan ni Vargas
PINAPURIHAN ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) sa pangunguna ni LTO Chief – Assistant Sec. Atty. Vigor D. Mendoza II dahil sa kanilang matagumpay na kampanya laban sa mga “pasaway at barumbadong” drivers o motorista.
Sinabi ni Vargas na ipinakita lamang ng LTO na seryoso sila sa kanilang kampanya para turuan ng leksiyon at disiplinahin ang mga “pasaway” na motorista kasama na ang mga barumbadong drivers na walang ingat sa kanilang pagmamaneho.
Binigyang diin ng kongresista na tama lamang aniya ang ginawa ng LTO matapos nilang kanselahin ang o i-revoke ang lisensiya ng tinatayang nasa 1,000 motorista noong nakaraang taon (2024) patungkol sa ginawa nilang paglabag gaya ng pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak.
Umaasa naman si Vargas na mas lalo pang paiigtingin at gagawing agresibo ng LTO ang inilunsad nilang kampanya upang masolusyunan ang laganap na aksidente sa mga lansangan sa Metro Manila dulot ng pagmamaneho ng lasing at nasa impluwensiya ng illegal na droga kasama na rin dito ang mga barumbadong motorista.
Nauna rito, binawi ng LTO ang lisensiya ng 984 motorista noong 2024 kung saaan lahat ng mga nasnagkot na drivers ay dumaan sa proseso.
Batay sa datos ng ahensiya, 130 lisensiya ng mga driver ang binawi bunsod ng paglabag nila sa Republic Act (RA) No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code partikular sa mga kuwestiyonableng paraan ng pagkuha ng lisensiya.