Calendar
Kampanya ng LTO vs truck na takaw aksidente sa lansangan, pinapurihan ni Dy
PINAPURIHAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang inilunsad na kampanya ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga hindi ligtas at delikadong truck sa kalsada na “prone” o takaw aksidente.
Pinangunahan ng LTO ang kampanya nito laban sa mga napaka-delikadong truck na bumibiyahe sa mga lansangan kung saan umabot sa 262 truck ang kanilang nahuli bunsod ng paggamit ng pudpod na gulo at paglabag sa ipinatutupad na regulasyon ng ahensiya.
Dahil dito, sinabi ni Dy na ang kampanyang inilunsad ng LTO ay nararapat lamang upang maiwasan ang mga malalagim na aksidente sa lansangan dulot ng malalaking truck na ang karamihan ay dispalinghado ang mga gulong gaya ng nangyari sa Katipunan flyover.
Binigyang diin ng kongresista na dapat lamang na supilin ang mga truck driver dahil sa kabila ng pudpod na ang kanilang mga gulong ay patuloy parin sila sa pagbibiyahe kung saan mistulang hindi nila inaalintana ang aksidenteng maaaring idulot nito.
Ayon kay Dy, para sa ilang kompanya ng truck, maliit na bagay lamang ang pudpod na gulong. Subalit napakalaking aksidente naman ang idudulot nito tulad ng nangyari sa Katipunan flyover kung saan isang truck ang bumangga sa ilang sasakyan ng nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao at pagkasugat naman ng 24 iba pa.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na kinakailangan laging isa-alang alang ang road safety lalo na kung ang mga bumibiyahe sa lansangan ay malalaking truck sapagkat dapat unahin ang kaligtasan ng iba pang motorista upang maiwsan ang mga malagim na aksidente sa pamamagitan ng pagtitiyak na ligtas ang bumibiyaheng sasakyan.