Isko

Kampanya ni Isko nonstop, tuluy-tuloy

Edd Reyes Apr 7, 2025
16 Views

TULOY ang walang patid na pangangampanya ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa iba’t-ibang distrito ng Maynila.

Ayon sa kampo ng dating alkalde, hindi nagpapaka-kampante si Yorme Isko sa malaking kalamangan dahil batid niyang kailangan ng mamamayan ng Maynila na marinig ang mga ilalatag niyang plataporma kung sakali at makabalik muli sa Manila City Hall.

Nais din ng alkalde na marinig ang mga hinaing ngayon ng mga mamamayan, lalo na ng mga senior citizen, estudyante at mga ginang ng tahanan na silang nagtutungo sa mga palengke at mga kalsada na lugar ng pamilihan.

Ayon sa ilang sumbong, naging dugyot na muli at sala-salabat pa ang mga sagabal sa lansangan sa Maynila.

Sinabi ni Yorme Isko na titiyakin niya na magiging mahimbing na muli ang tulog at magiging panatag na ang isipan at kalooban ng mga mamamayan sa Maynila kapag nabigyan siyang muli ng pagkakataon na makapaglingkod.

Sinabi niya na handa siyang tapusin ang siyam na taong termino kung sakali at maluklok bilang alkalde upang matapos ang mga ilalatag niyang proyekto at programa.