Atty. Greg Pua, Jr

Kampanya vs kolorum vehicles pinaigting

Jun I Legaspi Jul 7, 2025
350 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga nagpapahamak sa kaligtasan sa kalsada, inatasan ni Land Transportation Office (LTO) acting chief, Atty. Greg Pua, Jr. ang lahat ng enforcers ng ahensya na paigtingin ang operasyon laban sa mga colorum na sasakyan.

Lumabas sa ulat ng operasyon noong Hunyo 2025 na umabot sa kabuuang 252 colorum na sasakyan ang nahuli sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

“Dalawang bagay lang ito: maaaring epektibo na ang ginagawa nating pagpigil sa mga colorum operators, o kaya’y nakahanap na sila ng paraan para makaiwas sa hulihan,” ani Pua.

Aniya, maaga pa lamang ay nakatatanggap na sila ng positibong feedback hinggil sa kampanya laban sa colorum, lalo na nang simulan ng LTO ang pagkumpiska sa mga ito at ang pagsasampa ng kaso laban sa mga operator at driver na sangkot.

Bilang karagdagang hakbang, naglabas si Pua ng isang memorandum na nagsasaad na kahit mabayaran ang multa para sa colorum violation, tanging court order lamang ang maaaring maging batayan para palayain ang impounded na sasakyan.

Tiniyak ni Pua na palalakasin ng LTO ang pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies para labanan ang colorum.

Ngunit binigyang-diin din ni Pua ang kahalagahan ng pakikiisa ng publiko, lalo na ng mga netizen, sa kampanya laban sa colorum.

“Malaking papel ang ginagampanan ng ating mga netizens sa disiplina sa kalsada. Maramin tayong na-suspend at na-revoke na lisensya dahil sa mga viral posts at kami po ay taos-pusong nagpapasalamat,” ani Pua.

Paliwanag pa ni Pua, walang insurance ang mga colorum na sasakyan sakaling masangkot sa aksidente kaya’t ang mga pasahero ang sasalo ng lahat ng gastos.

Samantalang ang mga lehitimong PUV ay may insurance coverage na umaabot sa P400,000 para sa pagkasawi at P100,000 para sa mga pinsala.