bro marianito

Kapag nilalamon tayo ng ating kabiguan tumatakas din tayo sa ating kaniya-kaniyang Jerusalem(Lucas 24:13-35)

372 Views

“Nang araw ding iyon. May dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem”. (Lucas 24:13)

MINSAN kapag nilulukuban tayo ng sobrang dami ng problema, kapighatian at depression. Naghahanap tayo ng isang lugar na maaari tayong magkaroon ng kaunting “space” at makahinga. Kadalasan ang lugar na gusto natin puntahan ay iyong maaliwalas at nakakapag-tanggal ng ating lumbay.

Ang lugar na ito ang ginagawa nating “scapegoat” para panasamantala tayong makatakas mula sa mga mabibigat ng problemang gumigiyagis sa ating buhay. Nais muna natin makalimot sa mga bagay-bagay na gumugulo sa ating isipan at kadalasan ay dala-dala natin hanggang sa pagtulog.

Marahil ganito ang nararamdaman ng dalawang Alagad sa Mabuting Balita (Lucas 24:13-35) habang sila’y naglalakad papuntang Emaus upang pansamantalang makalimot sa problemang kumulapol sa kanila buhay bunsod ng pagkamatay ng kanilang Maestro at Messiah na si Jesus.

Umalis ng Jerusalem ang dalawang Alagad para magtungo sa Emaus sapagkat maaaring ibig din nilang takasan ang anomang masamang karansan, kapighatian, kabiguan at kawalang pag-asa na naroon sa Jerusalem matapos ang pagkaka-pako at pagkamatay ni Kristo sa Krus.

Nais nilang umalis nang Jerusalem sapagkat sa lugar na ito nila naranasan ang kawalan ng pag-asa at kabiguan.

Samantalang ang bayan ng Emaus ang ginawa nilang “scapegoat” o takbuhan pansamantalang makalimot sa kapighatian at kabiguang naranasan nila. Sapagkat si Jesus sana ang inaasahan nilang magpapalaya sa bayan ng Israel at magliligtas sa kanila. (Lucas 24:21)

Subalit dahil namatay na nga si Jesus. Kaya para sa dalawang Alagad na ito, kasabay na namatay ni Kristo ang kanilang pag-asa. Kaya para sa kanila, wala nang dahilan para upang sila’y manatili sa Jerusalem.

PAGTAKAS SA ATING MGA PROBLEMA TULAD SA JERUSALEM

Minsan, tulad ng dalawang Alagad na naglalakad papuntang Emaus. Tinatakasan din natin ang ating mga kabiguan at kapighatian. Sinasabi natin sa ating mga sarili na wala ng halaga ang buhay ko, wala ng saysay ang mabuhay pa dito sa mundo kasi wala na akong pag-asa. “Hopeless na ako”.

May mga pagkakataon na nagiging katulad tayo nung dalawang Alagad sa Pagbasa. Dahil hindi nagkaroon ng katuparan ang ating inaasahan at pag-asa, tinitignan natin ang ating buhay na parang pinagsakluban tayo ng langit at pinagdamutan ng Diyos o binigo tayo sa ating mga inaasahan.

Subalit habang naglalakad ang dalawang nalulubay at sobrang depressed na mga Alagad patungong Emaus. Biglang lumapit sa kanila si Jesus at sinamahan sila hanggang sa marating nila ang kanilang destinasyon. Ang ibig sabihin lamang nito ay hindi sila iniwan at pinabayaan ng Panginoon sa kanilang paglalakbay. (Lucas 24:15-32)

Ang ating buhay ay isang paglalakbay o journey gaano man ito kasalimuot at kakomplikado. Kadalasan, nakalimutan natin na kasama din natin ang Panginoong Hesus sa ating paglalakbay sa buhay na ito. Sinasamahan at dinadamayan niya tayo sa ating kabiguan at kawalan ng pag-asa.

PAGIGING HOPELESS BUNGA KAWALAN NG PANANAMPALATAYA

Ang kawalan natin ng pananampalataya sa Diyos ang nagiging pangunahing dahilan kung bakit unti-unti tayong kinakain ng sobrang depresyon sa buhay, kawalan ng pag-asa at labis na kapighatian. Sapagkat kulang na kulang tayo sa pagtitiwala sa Panginoon. Wala kasi tayong malalim na ugnayan sa kaniya. (Lucas 24:25)

Magkakaroon tayo ng malakas at matatag na pananampalataya sa ating Panginoong Diyos kung uumpisahan natin ito sa pamamagitan ng pagpapalalim ng ating ugnayan sa kaniya. Ito ay ang pagbabasa natin ng Bibliya at pagdalo sa mga Misa para lubos nating makilala si HesuKristo. (Lucas 24: 27)

Kagaya ng dalawang Alagad. Namulat ang kanilang mata, isipan at nakilala nila si Jesus nang ikuwento at ipaliwanag sa kanila ng Panginoon ang tungkol sa mga nasusulat sa Kasulatan tungkol sa kaniya (Kristo). Simula sa aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. (Lucas 24:27)

Hindi bastante ang pananampalataya lamang ng walang tayong malalim at lubos na pagka-unawa kung sino at ano si HesuKristo sa buhay natin. Hinding-hindi tayo makakatakas sa ating kaniya-kaniyang Jerusalem na naglalarawan sa kawalan ng pag-asa kung wala tayong pananalig sa Diyos.

Makaalis man tayo sa ating Jerusalem. Subalit kahit saan man Emaus tayo mapadpad ay dala-dala at bitbitin parin natin sa ating dibdib ang bigat ng ating suliranin, depresyon at kabiguang pasan-pasan natin. Hangga’t hindi natin natutunan maunawaan na kapiling natin ang Diyos sa ating paglalakbay.

Kapag napatatag natin ang ating pananalig sa Diyos at tuluyang makilala siya bilang ating Panginoon at tagapagligtas. Doon lamang tayo maaaring makabalik sa ating sariling Jerusalem para balikan ng may tapang at matatag na pananalig sa Diyos ang mga bagay na nagbigay sa atin ng kabiguan. (Lucas 24:33)

Wala tayong dapat ikabahala at ikatakot. Wala rin dahilan para tayo ay makaramdam na “hopeless” tayo. Sapagkat mayroong Panginoong Diyos at kasama natin siya sa ating paglalakbay dito sa mundong ito. Saan man Emaus tayo mapadpad. Katulad sa dalawang Alagad hindi rin niya tayo iiwan.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, turuan mo po kami na huwag mawalan ng pag-asa at makaramdam ng sobrang kabiguan sa mga panahong pinanghihinaan kami ng loob. Tulungan mo po kami na mapatatag ang aming pananampalataya sayo.

AMEN