Calendar
Kapakanan ng mamamayan mas mahalaga sa panahon ng crisis
TINANGGAP ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada noong Huwebes ang paglagda sa Republic Act No. 12316, ang batas na magbibigay sandata kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang bigat na dinaranas ng mga Pilipino sa gitna ng sumisirit na presyo ng langis.
Pinahihintulutan ng batas ang Pangulo na magbaba o magsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Estrada na bumoto siya ng “yes” at naging co-author ng panukala nang talakayin ito sa Senado at inilarawan ito bilang agarang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pagmahal ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa senador, maaaring magbigay ang batas ng mas mabilis na ginhawa sa panahong ramdam na ng mga mamimili ang epekto ng mas mahal na pamasahe at iba pang gastusin sa bahay.
Idinagdag niya na kahit mabawasan ang kita ng pamahalaan kapag ipinatupad ito, mas mahalaga sa panahon ng krisis ang kapakanan ng mamamayan.
“Lahat tayo ay apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis — at kasunod nito, ang pagmahal ng mga pangunahing bilihin na lalo pang nagpapahirap sa ating mga kababayang kapos sa buhay,” sabi ni Estrada.
Sinabi niya na kailangang maibsan ang bigat ng gastusin ng bawat pamilya upang mapanatiling maganda ang ekonomiya at hindi mabaon sa hirap ang mga Pilipino.

