Calendar
Kapayapaan, seguridad sa pagdiriwang ng Year of the Snake tiniyak ng MPD
NAGING alerto ang buong kapulisan ng Manila Police District (MPD), sa pamumuno ni MPD Chief Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, habang ipinagdiriwang ang Chinese New Year noong Miyerkules sa Binondo, Manila.
Pinangunahan ni PLt. Col. Roberto Mupas, station commander ng Meisic Police Station 11, ang pagbabantay sa paligid ng Binondo upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Sa pahayag ni Mupas, umabot sa 1,500 na pulis ang naka-deploy mula sa iba-ibang lugar sa buong Binondo habang isinasagawa ang fireworks display at parada sa nasabing lugar, kabilang ang Ongpin, Quintin Paredes, Riena Regente at Dasmariñas streets, harap ng San Lorenzo Ruiz, San Fernando, Tomas Mapua, Tomas Pinpin at Gandara streets, kung saan marami ang mga namamasyal, kabilang ang mga Pilipino mula sa mga kalapit na lungsod.
“Maging maingat sa inyong paligid,” paalala ni Mupas sa publiko. “Mahalaga ang pagiging alerto, lalo na sa mga mataong lugar, upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.”
Ang mga pulis na itinalaga ay nagbabantay hindi lamang sa mga pangunahing kalsada kundi pati na rin sa mga simbahan, palengke at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Dagdag pa rito, mahigpit na ipinatupad ang crowd control at kaayusan upang mapanatili ang masayang selebrasyon.
Layunin ng MPD na gawing ligtas at masaya ang pagdiriwang ng Chinese New Year para sa lahat ng dumalo, Pilipino man o turistang banyaga.
“Katuwang namin kayo sa pagsiguro ng kapayapaan,” pahayag ni Mupas.
Hinikayat niya ang lahat na makiisa sa pagdiriwang at mag-ingat upang maging matagumpay at mapayapa ang okasyon.