Calendar
Kapulisan ng Maynila mainit na sinalubong bagong NBI Director Jaime Santiago
MAINIT na sinalubong ng mga kapulisan ng Maynila, sa pamumuno ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, ang pagbisita ng bagong National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Jaime Santiago sa MPD sa UN Avenue, Ermita, Manila, Huwebes ng umaga.
Unang pinuntahan ni Santiago ang himpilan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) kung saan minsan siyang naging hepe at nakilala bilang dating pulis Maynila na tinaguriang “Sharpshooter” ng Manila’s Finest, dahil sa mga insidente ng hostage-taking sa Lungsod ng Maynila.
Tinungo rin ni Santiago ang iba’t ibang unit ng MPD, na dating Western Police District (WPD), kabilang ang Homicide Section, Thief and Robbery, at General Assignment and Investigation Section, bago tumuloy sa opisina ni Ibay.
Sa kanyang pag-iikot sa MPD Headquarters, nagbalik-tanaw ang bagong direktor ng NBI at inalala ang lahat ng kanyang naging karanasan bilang isang pulis Maynila.
Naging tanyag ang pangalan ni Santiago sa mga serye ng hostage-taking sa Maynila noong 1996 kung saan isinapelikula ang ilan.
Siya ay nagsilbi bilang intelligence officer at miyembro ng SWAT team ng WPD noong 1979 hanggang 2000, at sumailalim sa special training sa US Federal Bureau of Investigation (FBI).
Siya rin ay naging dating deputy executive vice president ng Philippine Judges Association at dating presidente ng Metropolitan at City Judges Association of the Philippines.
Pinarangalan siya bilang isa sa 10 Outstanding Policemen ng Pilipinas ng Philippine Jaycees noong 2009 at Outstanding Criminologist ng Professional Regulation Commission (PRC) noong 2012.
Bilang bagong NBI director, nais ni Santiago na labanan ang cybercrime sa dami na rin ng nagaganap na scam sa bansa.
Hahabulin din nito ang mga indibiduwal na nagtatago sa batas. Gayundin, nais nitong pagbutihin pa ang serbisyo ng NBI at ibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.