Calendar
Kapunan binira ‘troll armies’
Sa pagpapakalat ng maling naratibo sa impeachment
NAGBABALA noong Sabado ang beteranang abogado na si Lorna Kapunan laban sa tinawag niyang organisadong “troll armies” na nagpapakalat ng mapanlinlang na naratibo kaugnay ng impeachment ni Vice President Sara Duterte. Iginiit niya na ang kaso ay nakabatay sa matibay na dokumentaryong ebidensya, hindi sa pulitika.
Sa kanyang pahayag sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Kapunan na hindi totoo ang mga claim na puro impeachment lamang ang ginagawa ng Kongreso. Ayon sa kanya, tinututukan din ng mga mambabatas ang epekto ng krisis sa Middle East sa presyo ng langis upang matulungan ang mga Pilipino.
“Mag-ingat tayo sa social media. Ang narrative nila, wala raw ginagawa ang gobyerno kundi impeachment. Hindi totoo iyon,” ani Kapunan.
Ipinaliwanag niya na kahit nagpapatuloy ang impeachment, aktibo ring tinutugunan ng Kamara ang mga agarang usaping pang-ekonomiya sa pamamagitan ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Joint Committee, na nagsagawa ng mga pagdinig tungkol sa tumataas na presyo ng langis, katatagan ng suplay, at agarang ayuda para sa mga apektadong sektor.
Ayon kay Kapunan, ibang-iba ang kasalukuyang sitwasyon kumpara sa mga nakaraang high-profile na kaso, gaya ng kina dating Pangulong Joseph Estrada at yumaong Chief Justice Renato Corona, noong panahong halos walang impluwensya ang social media sa opinyon ng publiko.
Ngayon aniya, laganap ang fake news, misinformation, at organisadong online campaigns na naglalayong baguhin o baluktutin ang pananaw ng publiko.
“Ngayon, ang kalaban natin ay fake news, distorted news, misinformation, at counter-narrative sa katotohanan,” aniya.
Binigyang-diin ni Kapunan na ang interes ng publiko sa mga pagdinig ay dulot ng transparency, lalo na sa paglalatag ng financial records at opisyal na datos ng gobyerno, kabilang ang findings ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Binanggit niya ang datos na iniharap sa House Committee on Justice na nagpapakita ng P6.77 bilyong kabuuang bank transactions na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang asawa—P4.4 bilyon na inflows, mahigit P1.5 bilyon na outflows, at humigit-kumulang P2.8 bilyong natitirang balanse na umano’y hindi naitala sa kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Hindi ito opinyon. Government records ito—mga numerong hindi nagsisinungaling,” ani Kapunan.
Dagdag pa niya, ang detalyadong presentasyon ng mga numero sa pagdinig ay nakatulong sa karaniwang mamamayan na maunawaan ang kahalagahan ng mga ito.
“Ako mahina sa arithmetic, pero marunong ako mag-add at mag-subtract. Nakikita ko kung may natitirang pera—at may remainder na hindi nare-reflect sa bank accounts,” aniya.
Binigyang-diin din ni Kapunan na ang live na pag-broadcast ng mga pagdinig ay nagbibigay sa publiko ng kakayahang suriin mismo ang ebidensya, na sumasalungat sa mga pagtatangkang ilarawan ito bilang political persecution.
Hinimok niya ang mga Pilipino na maging mapanuri at umasa sa beripikadong dokumento at sinumpaang testimonya, sa halip na sa mga naratibong kumakalat online, habang nagpapatuloy ang proseso ng impeachment.

