Calendar
Kapunan pinuna VP Sara sa pagtutol sa mga ebidensiya ng impeachment sa pamamagitan ng press conference
MARIING binatikos ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan si Vice President Sara Z. Duterte dahil umano sa paulit-ulit nitong paggamit ng mga press conference at pampublikong pahayag upang kontrahin ang impeachment proceedings, sa halip na direktang sagutin ang mga ebidensiyang iniharap laban sa kaniya sa harap ng impeachment court.
Ayon kay Kapunan, sa halip na ipaliwanag ang mga kuwestiyonableng transaksiyong pinansiyal na iniuugnay sa Bise Presidente, mas nakatuon umano ang kaniyang kampo sa pagpuna at pagkuwestiyon sa proseso ng paglilitis.
“She doesn’t speak before the court. She uses other platforms,” ani Kapunan.
Tinukoy ni Kapunan ang naging pampublikong pahayag ni Duterte kasunod ng testimonya ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera.
Sa pagsusuri ni Cabrera, natukoy ang tinatayang ₱817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na mga ari-arian at kita na may kaugnayan kay Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio, mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Cabrera, nakabatay ang kaniyang mga natuklasan sa pagsusuri ng mga bank record, income tax return, corporate filing at iba pang dokumentong pinansiyal na ginamit sa kaniyang ulat.
Gayunman, kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang pamamaraan at mga konklusyon ni Cabrera sa isinagawang cross-examination.
Kinuwestiyon ni Kapunan kung bakit pinili umano ni Duterte na tumugon sa pamamagitan ng isang hiwalay na pagpapahayag sa media sa halip na direktang talakayin ang mga alegasyon sa impeachment proceedings.
“She calls a—right after the very strong testimony for expert witness, what does she do? She has a press conference,” ani Kapunan.
Itinanggi naman ni Duterte ang anumang pagkakasala at inakusahan ang prosecution ng paghahain ng mga mapanlinlang o gawa-gawang alegasyon.
Kinuwestiyon din ng kaniyang defense team ang pagiging patas ng paglilitis at ang pagtanggap sa ilang dokumentong pinansiyal bilang ebidensiya.
Sa kabila nito, iginiit ng prosecution na nakatuon ang natitirang kaso sa ilalim ng Article II sa mga umano’y pagkakaiba sa pagitan ng mga ari-ariang idineklara ni Duterte, mga interes sa negosyo ng kaniyang asawa at iba pang transaksiyong pinansiyal na sinuri ng mga testigo mula sa pamahalaan.
“Uh, or she diverts the issue, she issues a statement not relating to the impeachment court but attacking the integrity of the whole process, which is just copy-paste,” pahayag ni Kapunan.
Ayon kay Kapunan, ang paulit-ulit na pagtutol ng kampo ni Duterte sa mga paglilitis ay nagpapakita, sa kaniyang pananaw, na hindi nito direktang naipapaliwanag ang mga ebidensiyang pinansiyal na iniharap ng prosecution.
Gayunman, may karapatan si Duterte na kontrahin ang mga alegasyon laban sa kaniya at hindi siya obligadong personal na tumestigo sa paglilitis.
Pinuna rin ng private prosecutor ang umano’y pagsisikap ng depensa na kuwestiyunin ang integridad ng mga hukom sa mga kaugnay na kaso.
To God be the Glory

