BBM1

Karaniwang mamamayan nagpapasalamat kay PBBM sa madaliang pag-access sa serbisyo ng gov’t

22 Views

MARAMING tao ang gumamit ng kanilang cellphone upang mag-access sa Bagong Pilipinas eGovPH Super App sa iba’t ibang service counters sa loob ng eGovPH Serbisyo Hub sa Makabagong San Juan National Government Center sa Pinaglabanan St., San Juan, noong Biyernes.

Karamihan sa kanila ay humihiling ng mga dokumento at serbisyo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

“Kumuha po ako ng birth certificate ng anak ko. Nahirapan ako kumuha nito kasi malayo. Pero dito, madali na lang,” sabi ni Rachel Balbastro, isang maybahay at ina ng apat.

Pinuri ni Balbastro si Pangulong Marcos sa pagpapakilala ng serbisyong nagpapadali sa pagkuha ng mga dokumento mula sa gobyerno.

“Magaling po, naisip niya pong gumawa ng ganitong sistema. Di ka na lalayo, madali ang proseso. Di ka na pipila ng Step 1, Step 2, Step 3,” dagdag pa niya.

“Nagpapasalamat po ako sa ating mahal na Presidente na napadali po ang pagkuha ng birth certificates. Maraming salamat po, Presidente Marcos,” sabi pa ni Balbastro.

Para naman kay Socorro Quinajon, 68, isang dating assistant professor, napaka-convenient ng eGovPH Serbisyo Hub sa Lungsod ng San Juan para sa kanya.

“May nag-refer sa akin dito na madaling kumuha ng CENOMAR (Certificate of No Marriage Record). Kailangan ko po ito para sa claims,” sabi ni Quinajon.

Humingi si Quinajon ng nasabing dokumento sa PSA counter ng sentro.

“Ok po ito, ang bilis! At saka napaka-accommodating ng mga nagtratrabaho dito. Malaking bagay ito, malaking tulong sa tao. Di ka na kailangan pumunta sa main PSA office sa Quezon City,” ani Quinajon.

“Nagpapasalamat po ako sa Presidente, malaking bagay ito, very convenient po,” dagdag pa niya.

Para naman kay Rogelio Soledad, 64, isang retiradong manggagawa mula San Juan, pumunta siya sa hub upang mag-apply ng financial assistance mula sa DSWD.

“Maraming salamat po Presidente Marcos. Malaking tulong po ito,” aniya.

Ang mga karaniwang mamamayan tulad nila ay nagpapahayag ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas pinadaling pag-access sa mga serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng paglulunsad ng Bagong Pilipinas eGovPH Super App at eGovPH Serbisyo Hub sa San Juan City noong Biyernes.

“Walang pila. Walang fixer. Walang korapsyon. Iyan ang makukuha natin dahil sa eGov app at one-stop shop na ating binuksan ngayon,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa paglulunsad.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas eGovPH Super App at ng eGovPH Serbisyo Hub, mas mabilis, mas madali at walang bahid ng katiwalian ang mga transaksyon sa gobyerno. PCO