OFW

Kararating lang na OFW mula Jeddah inaresto sa NAIA Terminal 1 sa Pasay

Edd Reyes Dec 6, 2025
4232 Views

SA selda ang bagsak ng kararating pa lamang na overseas Filipino worker (OFW) matapos dakpin ng puwersa ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, gabi ng Miyerkules sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Binasahan ng kanyang karapatan ng pulisya ang 44-anyos na OFW mula Jeddah, Saudi Arabia, nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inilabas noong Marso 13, 2025, ng Pangasinan Regional Trial Court hinggil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Ayon kay AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration upang matukoy at madakip ang mga taong umaalis at dumarating sa bansa na may nakabinbing kaso sa hukuman.

Makalalaya pa rin naman aniya ang akusadong OFW na nasa kostodiya na ng CIDG Manila District Field Unit sa oras na makapaglagak siya ng itinakdang piyansa ng korte na nagkakahalaga ng P72,000.