Kasambahay, 82, among lalaki, 64 nakitang walang buhay sa QC condo

49 Views

NATAGPUANG walang buhay ang dalawang senior citizen sa loob ng isang condominium unit sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Ang mga biktima ay edad 82, stay in housemaid at ang kanyang 64 anyos na among lalaki.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 9:15 ng umaga (April 29), nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob nasabing condo unit sa Brgy. Kristong Hari, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl Jordan A Barbado, nakatanggap umano ng impomasyon ang security guard na sina Rodolfo Supero at at Engr. Jerwin Camason, pati na ang mga kagawad na sina Engga Biares at Manny Prado na may patay sa nasabing condo.

Agad naman nilang pinuntahan ang nasabing unit at doon ay bumungad sa kanila ang bangkay ng housemaid na nakahiga sa kama, habang nakahandusay naman sa banyo si Villamora.

Mabilis namang ipinagbigay-alam ng mga nakasaksi ang insidente sa pulisya.

Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Lt. Rey Ebol at nang isailalim sa cursory examination ang bangkay ng mga biktima ay wala namang nakitang senyales ng physical injury.

Nabatid ng pulisya mula sa tatlong kasambahay na matagal nang bed ridden ang 82-anyos na kasamahan nilang housemaid habang wala naman umano silang nalalaman na may sakit ang kanilang amo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima upang malaman kung ano ang sanhi ng kanilang ikinamatay.