Rolex Source: File photo

Kasambahay sa White Plains timbog sa ‘pagnakaw’ ng P7.7M Rolex na relo ng amo

34 Views

SINAMPAHAN ng kasong qualified theft noong Biyernes ang kasambahay sa White Plains subdivision sa Quezon City matapos umanong ‘ipasa’ sa pinaghihinalaang magnanakaw ang mga mamahaling Rolex watches ng kanyang amo na nagkakahalaga ng P7.7 milyon.

Naaresto ng mga security guard na sina Sevandal Fidel at Ramil Barojabo Geraillo, ang suspek na si alyas Jaharra at dinala sa himpilan ng pulisya.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-11:00 ng gabi nang matuklasan ni alias Arthur, 65, amo ng kasambahay, na nawawala ang kanyang mga Rolex watch sa vault.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay A Mendez, ng Eastwood Police Station (PS-12) ng QCPD, nag-abroad sina Arthur at doon ipinalalagay na sinamantala ng kasambahay na pagnakawan ang kanyang amo.

Inamin ng kasambahay sa pulisya na siya ang kumuha ng mga mamahaling relo at binigay niya sa isang babae sa Caltex gas station sa Katipunan St. malapit sa White Plains Avenue.

Hindi idinetalye ng suspek kung sino ang babae at kung bakit niya ibinigay ang mga mamahaling relo. Inihahanda na ang kasong theft laban sa kasambahay.