Kaso Source: DILG

Kaso ng Meralco employee na napatay sa road rage lutas na

455 Views

IPINAHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang insidente ng road rage sa Dasmariñas, Cavite noong Miyerkules, Agosto 27, 2025, kung saan isang empleyado ng Meralco ang binaril at napatay, ay maituturing nang nalutas matapos maisampa ang kasong murder laban sa suspek bunga ng pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at ng pulisya.

“Crime-solved situation ito,” ani Remulla, na pinuri ang kooperasyon ng mga lokal na awtoridad sa pagsasagawa ng manhunt at sa pagsuko ng suspek.

“Kung magtutulungan ang local government at ang PNP, marami tayong malulutas na problema. Dito, ang Mayor, ang Governor, at Barangay Captain—yung tatlong sangay ng local government—nagtulungan para makuha agad ang suspek,” dagdag pa niya.

Ipinrisinta ni Remulla sa media ang suspek na si Jeffrey Alindog, 44, residente ng Dasmariñas, Cavite, sa isang press conference sa Quezon City. Nakilala ang salarin sa pamamagitan ng CCTV footage at salaysay ng mga saksi.

Kasama ni Remulla sa presscon sina PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., National Police Commission vice chairperson at executive officer Rafael Vicente Calinisan, Cavite Governor Francisco Gabriel Remulla, at Imus City Mayor Alex Advincula.

Batay sa ulat ng pulisya, si Alindog ay sakay ng pulang Toyota Corolla na may plakang TPJ-294 nang lumapit ito sa sasakyan ng biktima, si Mayo Jonel Santos, isang empleyado ng Meralco, sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue. Ilang sandali pa, binaril umano ng suspek sa ulo ang biktima at tumakas, ayon sa CCTV footage. Idineklara si Santos na dead on arrival sa kalapit na ospital.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Philippine National Police at nahaharap sa kasong murder.

Patuloy ang panawagan ng DILG sa mga LGU at barangay na palakasin ang pakikipagtulungan sa PNP at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang whole-of-government approach sa kapayapaan, katarungan, at kaligtasan ng publiko.