Valeriano

Kaso ni Francis Jay Gumikib dapat tutukan –Valeriano

Mar Rodriguez Oct 10, 2023
256 Views

IGINIGIIT ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Local Government Unit (LGU) ng Antipolo City at Department of Education (DepEd) na kailangan nilang tutukan ang kaso ng pagkamatay ng Grade 5 pupil na si Francis Jay Gumikib para makamit ng pamilya nito ang katarungan.

Bunsod ng walang saysay na pagkamatay ng estudyanteng si Gumikib, mariing binatikos ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang itinuturing nitong “senseless” o walang katuturang pagkamatay ng nasabing mag-aaral sa kamay ng kaniyang guro.

Binigyang diin ni Valeriano na kailangan pang may mamatay sa katauhan ni Francis Gumikib bago maging malinaw na hindi dapat pinagbubuhatan ng kamay ng isang guro ang kaniyang estudyante kahit pa gaano ito ka-pasaway o matigas ang ulo alinsunod sa isinasaad ng mga batas.

“This is another instance where we ask. Kailangan pa ba itong mangyari bago maging malinaw sa atin na ang pananakit ng isang guro sa kaniyang estudyante ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas. What a senseless death of a child, we should not let any stones unturned here,” ayon kay Valeriano.

Sinabi din ng kongresista na kailangang mapapanagot ang guro na nakapatay kay Francis Gumikib sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong Violence Against Children, child abuse at kasong homicide. Kasunod ng kaniyang panawagan sa DepEd na huwag lubayan ang kaso ni Gumikib.

“Sana tulong ang LUGU ng Antipolo City at DepEd para makamit ng pamilya ni Francis Gumikib ang hustisya at umaasa tayo na sa pamamagitan ng kasong ito ay tuluyan ng mahihinto ang pananakit ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Dapat makulong ang gurong nakapatay sa bata,” sabi pa ni Valeriano.