Bitrics Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro

Kaso vs Duterte kaugnay ng EJK cases sa war on drugs

132 Views

Quad Comm hinimok na irekomenda:

HINIMOK ng isang mambabatas ang quad committee ng Kamara de Representantes na irekomenda ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte dahil sa umano’y paglabag sa international humanitarian law at kasong murder kaugnay ng libo-libong nasawi sa war on drugs campaign ng administrasyon nito.

Sa pagdinig ng quad committee noong Nobyembre 13, inilahad ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang nakaaalarmang bilang ng mga nasawi sa kontrobersyal na kampanya kontra droga ni Duterte, na nagbunga ng mga tanong sa legalidad ng mga pamamaraang ginamit sa pagpapatupad nito.

Batay sa datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at human rights group, binanggit ni Luistro na 6,252 ang napatay sa police anti-drug operations hanggang Mayo 2022, at tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK), kabilang na ang mga pamamaslang na isinagawa ng mga vigilante o riding-in-tandem.

Binanggit din ni Luistro ang pagkamatay ng 427 aktibista, human rights defenders at mga grassroots organizer hanggang noong Disyembre 2021; 166 land at environmental defenders hanggang noong Disyembre 2020; 23 journalists at media workers hanggang Abril 2022; 66 miyembro ng hudikatura at abogado hanggang noong Disyembre 2021; at 28 alkalde at bise-alkalde hanggang noong Disyembre 2021.

Sa pagdinig, diretsahang tinanong ng mambabatas mula Batangas si Duterte kung ang kanyang kampanya kontra droga ay sumunod sa due process.

“Mr. President, my question is, when you implemented the war on drugs, did you strictly comply with the requirement of due process?” tanong ni Luistro, na agad namang sinagot ng dating pangulo ng “oo.”

Pero ayon kay Luistro, ang sagot ni Duterte ay kabaligtaran ng mga nangyari dahil sa dami ng bilang ng mga nasawi na hindi dumaan sa legal na proseso.

“Contrary to the answer of the former President, I humbly believe that the former President and his war on drugs never complied with the requirements of due process,” sabi ng kongresista.

“If, indeed, they followed the requirement of due process, wala po dapat ganito karaming patay at ang dapat maraming kaso na pending in court,” punto pa ni Luistro.

Ikinumpara ni Luistro ang malaking bilang ng mga nasawi sa ilalim ni Duterte sa halos 200 naitalang pagkamatay na may kaugnayan sa droga sa ilalim ng sinundang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

“The statistics show, Mr. Chair, this is almost or around 31,000 victims of the war on drugs,” ayon sa pahayag ng mambabatas sa komite, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.

Iginiit ni Luistro ang pagsasampa ng kasong kriminal, batay na rin sa pag-ako ni Duterte ng lahat ng legal at moral na pananagutan sa mga aksyon ng pulisya sa panahon ng kampanya laban sa droga.

“By Mr. President’s own admission of his accountability, both to legal and illegal actions of the police, it is the humble submission of this representation, Mr. Chair, that the Quad Comm is ready to make a recommendation for the filing of the necessary action in court — that is a violation of the law, RA 9851, Act Defining and Penalizing Crimes Against International Humanitarian Law, or at the very least, the murder cases, as defined under the Revised Penal Code,” paliwanag pa ng lady solon.

Ang Republic Act (RA) 9851 na ipinatupad noong 2009 ay nagtatakda at nagpaparusa sa crimes against international humanitarian law, genocide at crimes against humanity, kabilang na ang mga sistematikong pamamaslang.

Ang mga drug-related na EJK ay nakapaloob sa “other crimes against humanity” ayon sa itinakda ng Section 6 ng batas, na tumutukoy sa mga sinadyang pagpatay, torture at sapilitang pagkawala.

Ang mga krimeng ito ay walang piyansa at may katumbas na parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.

Sa ilalim ng Section 8, ang pananagutan ay hindi lamang sa mga direktang may kagagawan sa krimen kundi pati na rin sa mga nasa posisyon ng awtoridad na nag-utos, humiling o nag-udyok ng mga krimeng ito.

Sa ganitong sitwasyon, maaaring managot si Duterte bilang pangunahing akusado sa pamamagitan ng panghihikayat dahil sa kanyang papel sa pagplano o paghikayat ng mga sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa panahon ng kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.