Madrona

Kasong economic sobotage vs hoarders ng sibuyas, bawang iminungkahi

Mar Rodriguez Feb 5, 2023
333 Views

IMINUMUNGKAHI ngayon ng isang kongresista kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat sampahan ng “economic sobotage” ang mga tiwaling traders at hoarders” ng sibuyas at bawang.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na maituturing na pananabotahe sa ekonomiya ng bansa ang ginagawang pang-iipit o hoarding sa supply ng mga sibuyas at bawang para lamang sadyang pataasin ang presyo nito sa merkado.

Sinabi ni Madrona na ang mamamayan o general public ang labis na naaapektuhan at napeperwisyo dahil sa pang-iipit sa supply ng sibuyas at bawang. Bunsod ng napakataas na presyo nito sa mga pamilihan.

Dahil dito, iginiit ni Madrona na kailangang ipakita ng administrasyong Marcos ang kamay na bakal nito laban sa mga mapagsamantalang traders at hoarders upang mabigyan ng katarungan ang mamamayan laban sa pang-aabuso ng mga tiwaling negosyante ng mga agricultural products.

Sang-ayon din si Madrona sa naging babala ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez laban sa mga walang konsensiyang traders at hoaders na iniipit ang supply ng mga agricultural products para lamang sadyain pataasin ang presyo nito sa mga pamilihan.

Ayon kay Madrona, hindi dapat palampasin ng pamahalaan ang masamang gawain ng mga naturang negosyante sapagkat ang mga pobreng mamamayan ang magdurusa sa pangyayring ito kaya kailangan lamang na mabigyan nh leksiyon ang mga tiwaling traders at hoarders.