Acop Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop

Kasong plunder posibleng maisampa kaugnay ng maling paggamit ng confidential fund ni VP Sara

37 Views

POSIBLE umano na makasuhan ng plunder ang mga sangkot sa maling paggastos ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte, batay sa mga nadiskubreng iregularidad ng House Blue Ribbon Committee.

Sa pagdinig ng komite ng Lunes, sinabi ni Antipolo Rep. Romeo Acop na batay sa laki at kuwestyunableng paggastos ay maaaring mayroong maharap sa kasong plunder.

“Let me remind the public of what is at stake here: it would constitute graft and corruption if public funds are misused or misappropriated or worse, if funds are diverted to personal use or benefit. And given the amount we are talking about here, this is clearly plunder,” ani Acop sa opening statement nito.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng imbestigasyon kung saan nasiwalat ang kawalan ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan bilang isang tahasang paglabag sa batas.

Nabunyag sa imbestigasyon ng komite na ang confidential funds na inilaan sa OVP at DepEd ay ipinamudmod ng hindi sumusunod sa Commission on Audit (COA)-Department of Budget and Management (DBM) Joint Circular No. 2015-01.

Ang circular na ito ay nagtatakda ng mahigpit na dokumentasyon at malinaw na pananagutan para sa mga confidential at intelligence funds.

Subalit ibinunyag ng imbestigasyon ang isang sistema na nilabag sa mga hakbang na ito.

Binanggit ni Acop na ang confidential funds ay bultuhang kinukuha at ikina-cash quarterly ng mga Special Disbursing Officers (SDOs), na pagkatapos ay ipinapasa ito sa mga “security officers.”

Sa OVP, in-encash ni SDO Gina Acosta ang P125 milyon kada quarter sa pagitan ng huling bahagi ng 2022 at 2023, habang ang DepEd, si SDO Edward Fajarda ay nage-encash ng P37.5 milyon kada quarter.

“Malalaking halaga po ang mga ito. Sa OVP pa lang, nakakakuha sila ng P125 million kada quarter simula noong Q4 of 2022 hanggang Q3 of 2023. Sa DepEd naman, P37.5 million per quarter for 3 quarters, or a total of P112.5 million,” saad pa ni Acop.

Kapwa inamin ng mga SDO na natatapos ang kanilang trabaho sa oras na naipasa na ang mga pondo sa mga security officer, nang walang anumang pangangasiwa o dokumentasyon kung paano ginamit ang mga pondo.

“Wala po akong alam sa pag-implement po ng confidential activities po dahil po hindi ko po iyan in line sa aking pinag-aralan,” ayon sa pag-amin ni Acosta sa mga naunang pagdinig.

Gayundin si Fajardo na sinabing, “Your honor, hindi po kasi ako ang expert diyan, si Colonel Nolasco po. Siya po kasi ang gumawa niyan.”

Malinaw ang kawalan ng pagsunod sa Joint Circular 2015-01 sa paghahanda ng mga liquidation reports, na karamihan ay isinulat ng mga security officers imbes ng mga SDO.

Binanggit ni Acop ang iregularidad, kabilang na ang mga acknowledgment receipt (AR) para sa pagpapalabas ng pondo ay kadalasang isinusumite pagkatapos na ma-file ang mga liquidation reports.

“Tila ba sinasadya tayong nililito, nililigaw at pinapagulo ang narrative sa kung ano ba talaga ang nangyari sa OVP at DepEd confidential funds,” saad nito.

Pinuna rin ni Acop ang tila pagdepende ni VP Duterte sa mga confidential funds, bilang mayor ng Davao City, Pangalawang Pangulo at dating kalihim ng DepEd.

“Mula sa Davao City na lumaki nang lumaki noong siya’y mayor, hanggang sa mas malalaking pondo nang mapasakamay niya bilang Vice President at DepEd Secretary,” ayon pa sa kongresista.

Ang halaga ng maling paggamit ng pondo – na umaabot sa humigit-kumulang P612.5 milyon – ay higit pang nagpapatibay sa posibilidad na ituring itong plunder, na may mabigat na parusa ayon sa batas ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Acop ang kahalagahan ng pananagutan upang maibalik ang tiwala ng publiko.

“Ngunit unti-unti, sa pamamagitan ng ating masusi at pursigidong pagtatanong at sa paghahanap ng mga facts at ebidensya, ay ating natatanggal ang secrecy na nagkukubli at nagtatago sa katotohanan,” paliwanag pa nito.

Ipinakita rin ng imbestigasyon kung paanong ang maling paghawak sa mga pondong ito ay nagpapahina sa pamamahala ng gobyerno, kaya’t hinikayat ni Acop ang Kongreso na magpatupad ng mga reporma upang hindi maulit ang ganitong uri ng pang-aabuso sa pondo ng bayan.

“We leave it to the investigative bodies of the government to investigate the crimes committed here. Meanwhile, our task now is to legislate measures that will leave no room for pilferage of public funds,” giit nito.

Muling nilinaw ni Acop na ang layunin ng imbestigasyon ay hindi lamang tuklasin ang katotohanan, kundi tiyakin din na ang gobyerno ay nagsusulong ng pinakamataas na antas ng transparency at pananagutan.